ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 9, 2024
Wala nga bang medic at ambulansiya sa location ng seryeng Black Rider na produced ng GMA-7?
Sitsit ng aming source, kalat sa TikTok ang kuha sa aktres na si Rio Locsin na nahihirapang huminga na walang umaalalay na medic sa kanya dahil sa matindi nitong pag-iyak sa eksena.
“Sobrang intense ‘yung eksena ni Rio, nahirapan siyang huminga, walang medic na umalalay sa kanya,” diin ng aming source.
Para raw sana kumalma ang aktres kaya dapat ay may medic sa set.
May ilang post din sa social media ang nakita namin na nahirapan ngang huminga si Rio pagkatapos ng eksena.
Ganito rin ang naging problema noon ng Kapuso Network sa seryeng Rosang Agimat kung saan naaksidente dati ang namayapang aktor na si Eddie Garcia na walang medic o ambulansiya kaya hindi siya kaagad nadala sa pagamutan.
Ito rin ang dahilan kung bakit isinulong ng mga mambabatas ang Eddie Garcia Law, para sa proteksiyon ng mga taga-pelikula.
Nabanggit pa ng aming source na bago ang nangyari sa aktor na si Eddie Garcia ay may aksidente ring nangyari noon kay Christopher de Leon na nabaril sa hita.
Sabi ng aming source, “Bale third time na itong kay Rio na walang medic sa set.”
Bukas ang BULGAR sa panig ng GMA-7 tungkol sa isyung ito.
Kommentare