top of page

Paraan para mapawalang-bisa ang kasal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 1, 2023
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 01, 2023


Ang bawat mag-asawa ay may karapatang maging masaya sa kani-kanilang buhay may-asawa. Kasama rito ang pagdadamayan sa lahat ng oras at pagkakataon. Sa katunayan, ang pabaon sa bawat mag-asawa noong sila ay humarap sa dambana ay ang mga katagang, “Ang mag-asawa ay magsasama sa hirap at ginhawa, sa kalusugan at sa kahinaan, sa kasaganaan at sa kahirapan; hanggang sa kamatayan ay magsasama.”


Subalit, may mga pagkakataon na dumarating sa buhay ng mag-asawa kung saan sa kabila ng kanilang pagsisikap na gampanan ang kanilang mga obligasyon ay hindi ito sumasapat at hindi na sila nagiging maligaya sa isa’t isa.


Kapag dumating ang sitwasyong hindi na maligaya ang mag-asawa sa piling ng isa’t isa ay may karapatan din naman sila na makakita ng kapayapaan ng kalooban at makawala sa tanikala ng kasal. Sa ngayon, may mga remedyo at karapatan sa ilalim ng batas ang isang asawa na maghain ng mga sumusunod:


  1. Petition for Annulment of Marriage under Article 45of the Family Code;

  2. Petition for Legal Separation under Article 55 of the Family Code;

  3. Petition for Declaration of Nullity of Marriage under Articles 36, 37, 38 and 41 of the Family Code.


Ang tatlong ito ay may mga limitadong kadahilanan kung kailan lamang ito maaaring magamit bilang remedyo o hakbang. Malimit na nagagamit bilang paraan upang maipawalang-bisa ang kasal ang probisyon ng Article 36 ng Family Code kung saan nakasaad na:


“Art. 36. A marriage contracted by any party who, at the time of the celebration, was psychologically incapacitated to comply with the essential marital obligations of marriage, shall likewise be void even if such incapacity becomes manifest only after its solemnization.”


Base sa nabanggit na probisyon, ating makikita na kapag ang isang partido sa kasal ay mayroong psychological incapacity para gampanan ang kanyang obligasyon bilang isang asawa, ang kanilang kasal ay itinuturing na walang bisa kahit na lumabas lamang ito matapos na ang kasal. Sa mga unang naging desisyon ng ating Korte Suprema, ang psychological incapacity ay itinuring na isang kapansanang mental na nakakaapekto nang sobra sa pagtupad ng isang tao sa kanyang mga obligasyon bilang isang asawa.


Subalit sa kaso ng Tan-Andal versus Andal, G.R. No. 196359, May 11, 2021, na isinulat ni Honorable Associate Justice Marvic Mario Victor F. Leonen, binigyang-diin ng Korte Suprema na ang psychological incapacity ay hindi isang sakit sa pag-iisip o isang personality disorder na kailangang patunayan ng isang eksperto. Sa nabanggit na kaso, sinabi ng Korte Suprema na:


“Psychological incapacity is neither a mental incapacity nor a personality disorder that must be proven through expert opinion. There must be proof, however, of the durable or enduring aspects of a person’s personality, called “personality structure,” which manifests itself through clear acts of dysfunctionality that undermines the family. The spouse’s personality structure must make it impossible for him or her to understand and, more important, to comply with his or her essential marital obligations.”


Malinaw na inihayag ng Korte Suprema na ang psychological incapacity ay hindi kapansanan sa pag-iisip o isang kaguluhan sa pagkatao na nangangailangan ng opinyon ng isang eksperto. Kinakailangan lamang na mayroong basehan o patunay na ebidensya na ang ugali o pagkatao ng isang partido ay naghahayag nang malinaw na akto na nagpapahina ng pamilya. Kalaunan, ang istraktura ng pagkatao ng asawa ay gagawing imposible na maintindihan nito at magampanan ang kanyang mahalagang obligasyon bilang asawa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page