top of page

Para sa kaligtasan ng lahat: E-bike at e-trike, bibigyan na ng lisensiya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 7, 2026



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala na ang lumalalang sitwasyon sa lansangan kung saan dumarami ang two at three-wheeled electric vehicles na walang malinaw na regulasyon, lisensya, at proteksiyong kaakibat para sa ligtas na pagpapasada sa kalsada. At madalas pa ay dahilan din ng madalas na aksidente at bangayan sa mga kapwa motorista.


Kaya malaking tulong ang pag-aaral ng Land Transportation Office (LTO) na gawing mandatory ang driver’s license para sa mga nagmamaneho ng e-bike at e-trike, isang hakbang na direktang tumutugon sa kaligtasan ng mamamayan, hindi lamang ng mga drayber kundi pati ng pasahero at kapwa motorista.


Ayon sa isang opisyal ng LTO, pangunahing usapin ang safety lalo na kung ang mga e-vehicle ay dumadaan sa pangunahing kalsada. Marami sa mga unit na ito ang hindi rehistrado at minamaneho ng walang lisensya, na nagreresulta sa kawalan ng insurance. 


Sa oras ng aksidente, walang masasandalan ang mga biktima; walang claim, walang proteksyon, at madalas ay sariling bulsa ang sasalo sa gastos. 


Bilang tugon, plano ng LTO na palawakin ang mga kalsadang ipagbabawal sa mga  e-trikes at e-bikes, kabilang dito ang Commonwealth Avenue sa Quezon City at Marcos Highway patungong Eastern Metro Manila at Rizal. 


Nauna na ring ipinatupad ang pagbabawal sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. 


Ang kautusang ito ay hindi pagkitil sa alternatibong transportasyon, kundi paglalagay ng malinaw na hangganan kung saan ligtas at akma sa paggamit nito.

Dagdag pa, maglalabas ang Department of Transportation (DOTr) ng memorandum circular upang tukuyin kung sino ang kailangang kumuha ng lisensya at alin sa mga unit ang dapat irehistro sa LTO. 


Ito ay dapat maging malinaw sa lahat, para hindi maging pabigla-bigla ang pagpapatupad at para mabigyan ng panahon ang mga apektadong sektor na makasunod. Ang lisensya at rehistro ay hindi pabigat; ito ay garantiya ng kasanayan, pananagutan, at proteksyon.


Kung may lisensya, may training; kung may rehistro, may insurance; kung may regulasyon, may pananagutan. Hindi dapat isinusugal ang buhay sa ngalan ng bilis o pagtitipid. Ang modernong transportasyon ay dapat may kaakibat na modernong pamamahala.


Ang hakbang ng LTO ay paalala na ang inobasyon ay dapat sinasabayan ng disiplina. Ang kaligtasan sa kalsada ay dapat pinagsama-samang tungkulin ng gobyerno na magtakda ng patakaran at ng mamamayan na sumunod. Kapag malinaw ang tuntunin at makatao ang implementasyon, mas nagiging maayos ang daloy ng buhay sa lansangan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page