Para pagtakpan ang flood control issue… KAREN, TUMANGGAP DAW NG P5 M KAY CHIZ, ABS-CBN NAGSALITA NA
- BULGAR
- 4 minutes ago
- 4 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | March 26, 2026

Photo: Karen Davila - Instagram
Kinondena ng ABS-CBN ang pekeng social media posts laban kay Karen Davila. Naka-full support ang istasyon sa broadcast journalist kung saan pinatutunayan nila ang kanyang kredibilidad at integridad.
Kumakalat kasi na tumatanggap ito ng P5 milyon allowance mula kay Chiz Escudero para pagtakpan ang flood control issue.
Hinimok ng ABS-CBN ang publiko na maging maingat at iwasan ang pagbabahagi ng mga hindi beripikadong nilalaman online at hinihikayat nila ang mga manonood na iulat ang mga kahina-hinalang post o impormasyon sa social media sa ABS-CBN Fact Check.
Sa isang pahayag na inilabas sa ABS-CBN Fact Check, sinabi ng network, “Iniulat ng ABS-CBN News sa Meta/Facebook ang pag-post at pagbabahagi ng malisyoso at gawa-gawang nilalaman laban sa aming news anchor na si Karen Davila.”
Dagdag pa nila, “Naninindigan kami kay Karen Davila at sa kanyang integridad at kredibilidad at kinokondena ang mga maling paratang na ito.”
Wika pa ng network, “Hinihiling namin sa publiko na maging mapagmatyag laban sa maling impormasyon at pagpapakalat nito, at iwasan ang pagbabahagi ng mga hindi beripikadong pahayag at post online.”
Ang panawagan ay nagsisilbing paalala sa mga potensiyal na kahihinatnan ng pagkalat ng maling impormasyon na maaaring makapinsala sa mga indibidwal at sa kredibilidad ng mga propesyonal sa media.
Isa si Karen Davila sa pinakarespetadong broadcast journalists sa Pilipinas, kilala sa kanyang matalas na pag-uulat at pagsusuri sa mahahalagang isyung panlipunan.
Ipinapakita niya ang matibay na paninindigan sa transparency, integridad, at public accountability, dahilan kung bakit patuloy siyang pinagkakatiwalaan ng publiko.
Bukod sa traditional news, aktibo rin siya online sa pagbabahagi ng inspiring stories at makabuluhang pananaw na lalo pang nagpapalakas ng kanyang kredibilidad bilang mapagkakatiwalaang media personality.
Tapos na raw sa honeymoon stage…
ASHLEY, SI MAVY NA ANG GUSTONG MAGING HULING LALAKI SA BUHAY NIYA
MAY espesyal na hiling si Ashley Ortega tungkol sa relasyon nila ni Mavy Legaspi.
Si Ashley ang naging kapalit sa puso ng aktor matapos nilang maghiwalay ng Kapuso actress na si Kyline Alcantara.
Sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), hindi naiwasang magsalita ni Ashley tungkol sa relasyon nila ni Mavy.
Ipinahayag niya na sana raw ay ang anak nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi na ang maging huli niyang kasintahan.
One year na ang relasyon ng celebrity couple.
Nang tanungin ni Tito Boy kung ano ang magiging reaksiyon niya kung sakaling mag-propose si Mavy, sagot niya, “Sa totoo lang, Tito Boy, s’yempre, gusto ko s’yang maging huli ko. ‘Yun na rin naman, bago ko pa s’ya sinagot at bago pa man kami nagsimulang mag-date, sinabi ko na sa kanya, ang lalaking iibigin ko ulit, dapat s’ya ang huling lalaki.”
Sa kabila ng kanyang wish, inamin ni Ashley na mas gusto niyang hayaang bukas ang hinaharap at huwag magbigay ng mga tiyak na pahayag.
“But again, anything can happen din. Ayoko rin namang magsalita nang tapos. So, tingnan na lang natin. Sana, siya na. Sana, and pray it’s him,” dagdag pa ni Ashley.
Inihayag pa ng aktres na pinahahalagahan niya ang katatagan sa pag-ibig at umaasa na magtatagal ang kanilang relasyon ni Mavy.
Ibinahagi rin ng aktres na mas lumalalim ang kanilang samahan sa paglipas ng panahon.
“Actually, we’ve been together for more than a year already. And actually, parang ‘yung relationship naming dalawa, parang we’ve been together for like four or five years already. Sobrang familiar na namin sa isa’t isa. Parang tapos na rin ‘yung honeymoon stage na from time to time, mag-update na tayo sa isa’t isa,” esplika pa niya.
ANG daming upcoming action drama series na ginagawa ang ABS-CBN. Una ay ang kay Daniel Padilla na bale second series ng Incognito. Meron ding gagawin sina Richard Gutierrez at Gerald Anderson, ang Blood vs. Duty (BVD).
Makakasama ng dalawang aktor dito sina Bela Padilla, Barbie Imperial at Baron Geisler.
Marami namang natuwa na mga fans ni Richard dahil hindi raw ito nawawalan ng proyekto.
Ani ng isang fan, “Tapos na si Richard sa mga fantaserye... Action na talaga s’ya and good for him kasi ‘di naman s’ya nawawalan ng project simula noong lumipat s’ya sa ABS-CBN. And feeling ko rin naman na gustung-gusto n’ya ‘yung mga ganitong genre. Poster pa lang nito, ang ganda na. And for sure, after nito, ‘yung Incognito 2 naman ang pagkakaabalahan ni Richard. Grabe, ‘di nagpapahinga. Hahaha!”
Wika naman ng isang commenter, “Same old story, be like alam na plot and twist nito... Ibahin sana ang title, ‘yung ‘di halata na magkapatid sila para may hulaan mode na magaganap sa audience.”
Sey pa ng ibang netizens…
“So, wala na talaga si Richard sa Incognito? Magkasama uli sila ni Baron dito.”
“Parang story ng brotherhood, ‘yung isa, sundalo, ‘yung isa, rebelde.”
“May aabangan na ako. Simpleng galawan ng mga idol ko, pero parang pang-international na action.”
“Excited na ako, bagong character ni Barbie. Bagay sa kanya ang nakaeksena.”
“Akala ko, palabas na ‘to, panay hanap ko. ‘Yun pala, ‘di pa palabas. Papanoorin ko ‘to.
Sinubaybayan ko ang Incognito at Iron Heart ni Richard. Magaling na actor si Richard. Excited na ako mapanood ito. Nandito rin si Baron na isa ring magaling at gusto ko rin s’ya sa Incognito. Sayang, wala si Daniel, Kaila, Maris at Ian. At sino ‘yung isa? Nakalimutan ko na, nasa Incognito din, kulot ang buhok, na ka-love team ata ‘yun ni Maris (na ang tinutukoy ay si Anthony Jennings).”
Ngayon pa lang, umaasa ang dalawang aktor na hahatak sa rating ang kanilang programa dahil sa mga komento ng mga netizens na karamihan ay positibo.
