top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Para iwas-problema, maging responsableng pet owner

BULGAR
Mar 18, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 18, 2022


Tuwing Marso ay sanay na ang marami nating kababayan na ginugunita ang Fire Prevention Month dahil sa mainit na panahon ay madalas na kabi-kabila ang sunog na kasalukuyan na namang nangyayari sa maraming lugar sa bansa.


Ngunit dahil sa gising na ang kamalayan ng marami hinggil dito ay malaking tulong ito para lalong makapag-ingat pa ang ating mga kababayan na maging biktima ng sunog dahil hindi lang kabuhayan ang nawawala kundi maging ang nag-iisa nating buhay.


Pero tila kulang naman ang kamalayan ng marami na ang buwan ng Marso ay Rabies Awareness Month din, isa itong Executive Order No. 84 na nilagdaan ni dating Pangulong Joseph Estrada noong Marso 13, 1999 upang maipaalala sa ating mga kababayan na dapat mag-ingat sa rabies.


Ang rabies ay isang human infection na maaaring makuha makaraang makagat o makalmot ng isang infected animal tulad ng aso o pusa na hindi gaanong napagtutuunan ng pansin dahil marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi nagtutungo sa doktor matapos makagat o makalmot.


Inaakala ng marami na ang paghuhugas gamit ang sabon at ang paglalagay ng dinikdik na bawang ay sapat na para hindi mahawa ng rabies na karaniwang nangyayari pa rin sa mga lalawigan partikular sa bulubunduking bahagi ng bansa na malayo sa ospital.


Ikinukonsidera pa rin kasing neglected disease ang rabies na hindi alam ng ilan sa ating mga kababayan na 100 porsyento itong nakamamatay ngunit 100 porsyento rin naman itong puwedeng iwasan kaya tama lang na palawakin pa ang kaalaman hinggil dito.


Hindi man ito maituturing na pangunahing sakit sa bansa ngunit isa ito sa problemang pangkalusugan na dapat tutukan dahil ang rabies ang dahilan ng pagkasawi ng may 200 hanggang 300 Pilipino kada taon.


Ang rabies na isang zoonotic disease ang siya ring sanhi ng pagkamatay ng may 56,000 indibidwal kada taon sa buong mundo na may 56 porsyento naman ng mga kaso ay mula sa Asya kabilang na ang mga batang may edad 15 pababa mula sa mahihirap na lugar sa bansa.


Kahit na kasi puwedeng maiwasan ang kamatayan hinggil dito ay wala pa ring lunas o gamot kung ang clinical manifestation ng rabies ay tumalab na sa isang biktima dahil nga sa kapabayaan o kawalan ng kakayahang magpagamot.


Malaking balakid kasi sa pagpapagamot ng ating mga kababayan ang takot na baka hindi nila kayanin ang gastusin sa ospital dahil sa napakamahal na anti-rabies vaccine at immunoglobulin hindi pa kabilang ang consultation fee kung sa pribadong pagamutan.


Mataas din ang insidente na ang mga nakagat ng aso o nakalmot ng pusa na hindi nagpakonsulta sa doktor kahit hindi pa naman tiyak kung nahawa nga ng rabies o hindi ay dumaranas ng anxiety ngunit nilalabanan na lamang dahil sa kawalan ng pangtustos.

Kaya nga ang pagsasabatas ng Anti-Rabies Act of 2007 (Republic Act 9482) ay nagbibigay ng mandato para sa pagsasagawa at pagpapatupad ng National Rabies Prevention and Control Program (NRPCP) mula nasyunal hanggang lokal na antas.


Ang naturang programa ay suportado ng Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR) World Health Organization (WHO) at Animal Welfare Coalition (AWC).


Target ng NRPCP na ideklara ang buong bansa na rabies-free sa taong 2030 at ang nabanggit na programa ay tututukan umano ang Governance, Service Delivery, Financing, Regulation, Information at Human Resource.


Ang strategic plan na ito ay masusing pinag-aralan ng National, Regional and Local Coordinator na ikinunsulta pa sa mga nakasuportang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na walang butas ang pagpapatupad ng programa.


Maganda ang hakbanging ito na sana ay maging matagumpay at marating natin ang panahong wala na talagang rabies sa Pilipinas dahil natuto na ang marami nating kababayan kung paano ito tutugunan lalo na ‘yung mga ayaw magpaturok ng bakuna.

Tandaan natin na ang pag-iwas at tamang kaalaman pa rin ang susi para tuluyan nang mawala ang rabies sa bansa dahil 99 porsyento ng rabies transmission sa tao ay mula sa aso at tukoy na ito ng mga eksperto kaya dapat tayong sumunod.


Maging responsable lang tayong pet owner at dapat bakunado na ang ating mga alagang hayop dahil ito pa rin ang pinakaepektibong paraan para makaiwas sa rabies.


Maraming pet owner na madalas ay dinadala pa sa mga shopping mall at park ang kanilang mga alaga na ang bangu-bango, pero hindi rin maitatanggi na may ilan din tayong kababayan na pinababayaan lang sa kalye ang alagang aso na walang bakuna at bahala na kung may makagat na tao.


Kapag nasagasaan mo pa ang gumagalang aso at nakita ka ng may-ari ay malamang na pagbayarin ka pa at pinakamalala ay habulin ka pa ng taga kung wala kang pambayad.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page