Para iwas-krimen, mga motoristang susuway sa Anti-Balaclava, may parusa
- BULGAR

- 1h
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 17, 2025

Dapat malinaw at tumpak ang pagpapatupad ng anumang batas lalo na kung may kaakibat na parusa para sa mga ordinaryong motorista.
Kaya ngayong umiiral na sa Maynila ang City Ordinance 9134, o ang “Anti-Balaclava and Other Face Covering Ordinance”, mas mahalaga ang tamang impormasyon para sa magandang pagkakaunawaan.
Inaprubahan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang ordinansang nagbabawal sa sinumang motorcycle rider na takpan ang mukha gamit ang helmet, balaclava, headgear, ski mask, bonnet, bandana, panyo, sombrero, hoodies at iba pa na kayang itago ang pagkakakilanlan o itsura. Layunin nitong sugpuin ang krimen, mula sa snatching hanggang holdapan, na madalas ginagawa ng mga salarin na nakasakay o bagong baba sa motorsiklo.
Gayunman, nakasaad sa ordinansa na hindi ipinagbabawal ang helmet o protective gear habang umaandar ang motor o nagmamaneho. Obligado pa rin ang pagsusuot ng helmet dahil sa ipinapatupad na national law. Ang ipinagbabawal lamang ay ang pagtatakip ng mukha kapag nakahinto na, lalo na sa loob ng tatlong metro mula sa motor, o kapag pumapasok sa bangko, palengke, tindahan, ATM at iba pang establisimyento.
May mga exempted din dito, katulad ng mga law enforcers on duty, may sakit, at mga taong kailangang magsuot ng turban o religious head covering. May pahintulot naman kapag may pandemya o public health emergency.
Ang pinakamahalagang dapat tandaan ng mga kababayan sakaling lumabag sa ordinansa ay ang kaakibat na multa, na mula P1,000 hanggang P5,000, depende sa bigat ng violation. Ibig sabihin, hindi na puwedeng magsawalang-bahala ang mga motorista rito, lalo na’t inaatasan din ang mga establisimyento na maglagay ng malinaw na signage bago papasukin ang mga riders.
Bilang isang mamamayan, mahalaga ang kaalaman patungkol sa mga ipinatutupad na ordinansa sa kanilang lugar, habang malinaw na nailatag ang lahat ng kailangan at tamang impormasyon. Kaalinsabay nito ay ang pagsunod sa itinakdang polisiya upang hindi naman umabot sa puntong maparusahan.
Ang mga motorista, rider at iba pa na sumusunod sa batas ay hindi dapat natatakot sa nasabing ordinansa, ang dapat kabahan ay ‘yung talagang may balak na masama.
Mahalaga ang seguridad sa bawat lungsod, at sa rami ng mga nagkalat na kriminal, mahirap talagang tukuyin kung sino o hindi sa kanila, lalo na kung nakatakip ang mga mukha. Kaya naman nasa sa atin na rin ang pagsunod at pakikiisa sa mga otoridad para hindi tayo mapahamak.
Isipin din natin, bukod pa sa mga riders, na ang hindi paggamit ng mga face covering sa mga itinatakdang lugar ay hindi lang nakakatulong sa kinauukulan kundi nakakaiwas pa ito sa anumang krimen.
Hindi lang sana sa Maynila ipatupad ang ganitong ordinansa, gawin din ito sa marami pang lugar sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments