Para iwas-bash… COCO, UMAMING 'DI PERFECT, PERO TAMEME NA LANG
ni Julie Bonifacio @Winner | January 24, 2023

Walang duda na si Coco Martin na talaga ang bagong hari sa entertainment world. Hindi lang ang mga palabas ng yumaong Action King na si Fernando Poe, Jr. ang binuhay muli ni Coco kundi pati ang product endorsement ng misis at Movie Queen na si Susan Roces ay ipinasa rin sa Kapamilya actor.
Kahapon ay ipinakilala na ng Ritemed si Coco as their new brand ambassador sa pamamagitan ng pinakabagong TV commercial (TVC) ng leading pharmaceutical brand ng bansa.
Malugod at buong-pusong tinanggap ni Coco ang hamon na ipagpatuloy ang adbokasiya ng tinaguriang Queen of Philippine Movies na si Susan na bigyang-kapangyarihan ang masa sa pagpili ng de-kalidad ngunit abot-kayang mga gamot.
Kapansin-pansin na sinimulan ni Coco ang nasabing TVC sa pamamagitan ng linyang, “Ang sabi ng lola ko, ‘wag mahihiyang magtanong… at hanapin ang check.”
Sa ginanap na grand launch ni Coco as Ritemed’s new brand ambassador ay natanong siya kung ano ang pinakamagandang pangaral na iniwan sa kanya ni Susan na forever niyang dadalhin.
“Ang dami po,” masayang tugon ni Coco. “Eh, siyempre po, ‘yung pagrespeto sa sarili. Kasi 'yun po ang palaging pangaral sa akin ni Tita Susan.
“Sa sobrang pagkakakilala ko sa Lola (Susan) ko, hinding-hindi niya ikokompromiso o isa-sacrifice ‘yung mahabang pinaghirapan niya para marating kung ano 'yung pagtingin sa kanila ng mga tao.
“Kasi, ang pinakaimportante ay ‘yung respeto sa sarili, eh. Sa dami ngayon ng social media, halos lahat ngayon, everyday, parang nakabukas tayo sa mga tao.
“Ako po, hangga’t maaari, hangga’t kaya, kino-conserve ko ang sarili ko kasi hindi naman ako perpekto. Meron tayong nagagawa na hindi nagugustuhan ng mga tao o sa mga mata ng tao.
“Pero para po maprotektahan ang aking sarili, mas pinili ko na lang po sa sarili ko ang manahimik.
“Kung mabibigyan po ako ng pagkakataon na makapag-inspire sa mga tao, gagawin ko, lalabas ako. Pero 'pag alam ko na hindi ako sigurado at alam ko na maaari akong magkamali, mas pinipili ko na lang po ang manahimik sa aking buhay.
“Kasi 'yun nga po ang sinasabi ko na walang perpektong tao at ayoko na maipakita sa mga tao ‘yung mga bagay na hindi makakabuti sa paningin nila. Kasi mas hinahangad kong makapagbigay-inspirasyon ako lalung-lalo na sa mga kabataan.
“Kaya every time po na gumagawa ako ng pelikula at teleserye, lagi ko pong iniisip ang mga manonood. Kasi alam ko po na ang laki ng obligasyon namin bilang artista, lalo na po ngayon na nagdidirek na ako na hindi man 24 hours nababantayan ng mga magulang ang mga bata, pero sa pamamagitan namin, sa pamamagitan ng paggawa namin ng mga kuwento, sana nakakapagbigay po kami ng magandang aral sa mga tao,” pahayag ni Coco.
Inamin din ni Coco na marami siyang nami-miss sa yumaong Movie Queen.
"Unang-una, ‘yung pagdala niya ng maraming-maraming pagkain sa amin. Kasi napaka-generous po talaga ni Tita Susan. At sinisigurado niya na hindi lang mga artista kundi lahat ng cast and crew, lahat kami, kumakain. Kasi ang buong sasakyan, ang laman, puro pagkain.
"Kaya talagang sobrang nakaka-miss po ‘yung presence niya. Kapag umaga, ‘pag breakfast, nakikipagkuwentuhan kami, siya ‘yung pinakamalakas tumawa. Kaso ganoon po siya, eh. Masayahin po talaga kasi siyang tao.
"Pero ‘pag oras ng trabaho, si Tita Susan naman ang pinakapropesyunal. Kasi, naiintindihan niya ang production. Hindi puwedeng mag-aksaya. Hindi puwedeng tatamad-tamad o palpak.
"Si Tita Susan po kasi, dahil siyempre, producer po sila, eh, alam niya ‘yung left and right.
"Naiintindihan niya ‘yung mga artista, naiintindihan din po niya ‘yung produksiyon.
"Kaya sobra pong napakalaking kawalan po sa amin. Nu’ng nawala po si Tita Susan, para po kaming nagiba.
"Eh, that time po na ‘yun, nagsu-shooting kami sa Ilocos. Hindi po namin alam, lahat po kami, natulala. Para kaming natigalgal. Hindi namin alam kung ano ang reaksiyon.
"Kaya pagkasabi po sa amin noon, naglakad kami, walang usap-usap, nag-uwian po kami ng Maynila para puntahan si Tita Susan. Ayun po," kuwento pa ni Coco.





Comments