top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT

Para ipagpatuloy ang pag-akyat... 7-anyos, inwan ng tatay sa Mount Fuji

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 49 minutes ago
  • 2 min read

ni Justine Berganio @Overseas News | August 24, 2026



Mt. Fuji - Pakutaso - Japan Today

Photo: Mt. Fuji - Pakutaso - Japan Today



Isang ama ang sinita ng pulisya matapos nitong iwan nang ilang oras ang kanyang 7-anyos na anak sa Mount Fuji, pinakamataas na bundok sa Japan, habang soft drink at meryenda lamang ang dala ng bata.


Natagpuan ang bata na mag-isang nakaupo sa isang bangko sa mahigit 2,000 metro (6,500 talampakan) na taas, habang makapal ang hamog at umuulan.


Ayon sa ulat, sinabi ng 48-anyos na ama sa bata na maghintay matapos itong magreklamong pagod na. Ipinagpatuloy naman ng ama ang pag-akyat kasama ang kanyang nakatatandang anak.


Natagpuan ng staff ng isang mountain hut ang bata malapit sa sixth station ng ruta at agad na tumawag ng pulis. Natunton naman ang ama sa pagitan ng seventh at eighth stations, na tinatayang tatlong oras ang layo mula sa kinaroroonan ng kanyang anak.


Alas-7:30 ng umaga noong Huwebes natagpuan ang bata at makalipas ang ilang oras ay muling nagkita ang mag-ama. Ayon sa ulat, pagod at iritable na ang bata matapos maghintay nang walong oras.


Sinita ng mga pulis ang ama dahil sa pag-iwan sa bata sa bundok. Humingi naman umano ito ng paumanhin at inamin ang kanyang naging padalus-dalos na desisyon.


Dumaan ang pamilya sa Fujinomiya Route, na nagsisimula sa fifth station ng Mount Fuji. Mula rito, inaabot ng humigit-kumulang limang oras ang pag-akyat sa tuktok at tatlong oras ang pagbaba.


May taas na 3,776 metro (12,389 talampakan) ang Mount Fuji at ilang aksidente na ang naitala rito nitong mga nakaraang taon.


Noong Hulyo, isang 99-anyos na babae ang kinailangang sagipin matapos mahulog at masugatan ang balakang at likod. Noong nakaraang taon naman, isang 27-anyos na estudyante ang dalawang beses na kinailangang sagipin matapos umakyat sa labas ng opisyal na climbing season.


Isang aktibong bulkan ang Mount Fuji na matatagpuan sa timog-kanluran ng Tokyo. Idineklara itong World Heritage Site noong 2013 at isa sa tatlong tradisyunal na “Holy Mountains” ng Japan, kasama ang Mount Tate at Mount Haku.


Tinatayang 200,000 katao ang umaakyat dito bawat taon, ngunit nililimitahan ang bilang ng mga umaakyat sa ilang ruta upang maiwasan ang pagsisikip.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page