Para ‘di magtaas-presyo... P25K para sa panadero — LGU
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | April 10, 2026

Photo: Yorme Isko Moreno Domagoso - FB
BIbigyan ng tig-P25,000 subsidiya ni Manila Mayor Isko Moreno ang kada bakery owner sa Maynila kapalit ng hindi pagtaas sa presyo ng tinapay sa loob ng 30 araw.
Ito ang inianunsiyo ni Moreno matapos na makipagpulong sa local community bakers sa Bulwagang Bayan, ng Manila City Hall, alas-10 ng umaga.
Kabilang ang pandesal, pandilimon, monay, Spanish bread, at iba pang tinapay na kinukonsumo sa araw-araw ng publiko.
Sa pakikipag-usap ni Moreno sa mga panadero, ibinahagi sa alkalde ang kabuuang production cost sa paggawa ng tinapay.
“Gusto kong matuto, kaya ko kayo pinatawag dahil gusto ko rin kayong tulungan, mga panaderya ng komunidad sa Lungsod ng Maynila,” ani Moreno.
“Ang pandesal is simbolo ng almusal ng pamilyang Pilipino — hindi ‘yan pang-mahirap lang ha, pati mayayaman,” aniya.
Iginiit ni Moreno na ang ibibigay na subsidiya ay hindi permanenteng solusyon sa lumalalang krisis.
“Lagapak tayo, pero ‘pag bagsak natin, may alpombra man lang na binigay ng pamahalaan — hindi masakit na masakit,” ayon pa kay Moreno.
Samantala, nagpasalamat naman si Asosasyon ng Panaderong Pilipino (APP) President Chito Chavez, na nagpahayag ng “Sa hinahaba kong naging panadero at sa mahigit 30 taon na tagapagsalita ng mga panadero, ngayon lang ako nakatikim na mayroong isang alkalde ng Maynila na ginawan kami ng pamamaraan para buhatin ang aming upuan.”




Comments