Para 'di lokohin ng lalaki... Dapat magaling ka sa esmiringhoy — Sara

ni Mylene Alfonso @News | November 10, 2026

Photo: File / Inday Sara Duterte - FB
Umani ng samu’t saring reaksiyon sa social media ang naging "love advice" at pabirong hirit ni Vice President Sara Duterte sa mga babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong, kung saan sinabi nitong dapat ay magaling ang mga babae sa "esmiringhoy" upang hindi sila lokohin o iwan ng kanilang mga kapareha.
Una nang nagbigay ng seryosong payo sa pananalapi si Duterte, kung saan hinimok niya ang mga kababaihan na huwag ibigay o gastusin ang kanilang pinaghirapang pera sa pagbili ng mga materyal na bagay tulad ng motor, bahay, sapatos, at cellphone para lamang masiguro ang katapatan ng kanilang mga nobyo o asawa.
“‘Yung pera dapat ini-invest ’di ba? Investment ba ‘yung boyfriend n’yo? Hindi. ‘Yung lalaki na ‘yan, ‘pag gusto niya magkaroon ng girlfriend, gagawin niya ‘yan. Kahit pa bilhan n‘yo ‘yan ng motor, bahay, sapatos, cellphone. ‘Pag gusto niya, gagawin niya ‘yan," pahayag ni VP Sara.
Kasunod nito, binitiwan ng Bise Presidente ang kanyang pabirong hirit na nagdulot ng malakas na tawanan at hiyawan sa mga manonood.
"Alam n’yo paano hawakan ang lalaki? Na hindi talaga siya [magloko]. Dapat magaling ka sa esmiringhoy," hirit ng opisyal.
Ang salitang "esmiringhoy" o "esmiringhuy" ay isang kolokyal na salitang Bisaya na orihinal na tumutukoy sa kalaguyo o pakikiapid, ngunit kamakailan ay naging viral sa social media sa Pilipinas bilang isang euphemism o pamalit na katawagan sa pakikipagtalik.





Comments