PAOwer, solo na sa tuktok, CamSur, wagi sa QC All-Stars
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 30, 2022

Matapang na nakamit ng bisitang La Union PAOwer ang solong liderato ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup matapos parusahan ang host Muntinlupa Constructicons, 105-86, sa Angelis Resort Biyernes ng gabi. Bago noon, nanalo sa unang pagkakataon ang Camarines Sur Express sa Quezon City All-Stars, 103-86.
Simula pa lang ay naging pisikalan ang palitan ng PAOwer at Constructicons at habang tumagal ay pumabor ito sa mga beterano ng La Union. Tumira ng dalawang 3-points si Danny Diocampo upang ibigay sa Muntinlupa ang lamang, 42-41, subalit hanggang doon na lang sila at bumanat sina Billy Ray Boado, Erven Silverie, John Lawrence Uduba at Ian Ralf Llona upang maagaw ang abante at lumayo sa halftime, 55-45.
Umabot ng 25 ang agwat ng ilang beses, ang huli ay 100-75 at 3 minuto ang nalalabi sa 4th quarter. Napiling Best Player si Silverie sa kanyang numerong 17 puntos, walong rebound at pitong assist habang 17 puntos din si Jap Pambid.
Samantala, tuloy subalit inilipat ang mga nakatakdang laro ng NBL ngayong araw sa Red Arc Events Place sa Balagtas, Bulacan. Tampok ang laban ng host DF Bulacan Republicans (2-1) at bisita Muntinlupa (2-2) sa 6 p.m. kasunod na pambungad sa pagitan ng Las Pinas Oil Machine (1-2) at defending champion Pampanga Delta (2-0) sa 4:00 ng hapon.
Mga laro ngayong Linggo – Red Arc Events Place, Balagtas 4 p.m. Las Pinas vs. Pampanga; 6:00 p.m. Bulacan vs. Muntinlupa





Comments