top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

PAOwer, namayani sa teritoryo laban sa Kings sa Chairman's Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 6, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 6, 2022



Sulit ang matagal na paghihintay ng kanilang mga tagahanga at tinalo ng La Union PAOwer ang bisitang Laguna Kings, 97-85, sa tampok na laro sa 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup mula sa siksikang San Juan Gym sa La Union. Bago noon, binuksan ng DF Bulacan Republicans ang aksyon sa 88-80 tagumpay sa Camarines Sur Express.


Tumalon agad ang La Union sa simula, 11-0, at hindi na lumingon pa sa likod nina Erven Silverie, Billy Ray Boado at Jap Pampid. Umabot hanggang 25 ang lamang sa third quarter, 68-43, matapos mag-shoot sina Pambid at Boado at tinuldukan ng tres ni Patrick Pascua.


Hinirang na Best Player si Silverie sa kanyang 19 puntos buhat sa apat na 3-points.


Gumawa ng tig-14 puntos sina Boado, Pascua at Roman Gatchallan.


Solo na ang La Union sa tuktok ng liga na may malinis na apat na panalo, kalahating laro ang lamang sa kapwa walang talo na defending champion Pampanga Delta na 3-0. Magkikita ang dalawang magkaribal sa Nob. 20 sa Bren Z. Guiao Convention Center.


Umusok si Gabe Capacio sa 4th quarter para sa 17 ng kanyang kabuuang 26 puntos para mapiling Best Player. Pumukol siya ng tres upang itayo ang pinakamalaking lamang ng Bulacan, 79-64, at 5:21 ang nalalabi sa laro.


Umani ng tulong si Capacio kay Benedict Benedictos na may 17 puntos at Ivan Santos na may 13 puntos at 9 na rebound. May tatlong sunod-sunod na panalo na ang Republicans para sa kartadang 4-1 habang bumaba ang Express sa 1-3.


Magpapalit ng mga kalaro ang mga koponan ngayong Linggo at haharapin ng PAOwer ang Express simula 6 p.m. Magsisilbing pambungad ang Republicans at Kings sa 4 p.m.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page