top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

PAOwer, 'di papopormahin ang Kings sa kanilang balwarte

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 4, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 4, 2022



Matapos ang halos tatlong taon ay magbabalik ang mataas na antas ng Basketball sa 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup ngayong Biyernes sa San Juan Gym sa La Union.


Handa na ang numero unong La Union PAOwer na ipagtanggol ang kanilang tahanan laban sa bisitang Laguna Kings sa tampok na laro sa 6:00 ng gabi. May tatlong sunod-sunod na tagumpay ang PAOwer at gagawin nila ang lahat para dagdagan ito sa harap ng kanilang mga tagahanga na huli silang napanood noong Enero 12, 2020 bilang bahagi ng 2019-2020 President’s Cup. Tuluyang nagtapos na pangalawa ang koponan sa nasabing torneo at dumapa sa Pampanga Delta sa seryeng best-of-five, 3-1.


Muling huhugot ng lakas ang PAOwer kay Jap Pambid, Erven Silverie, Patrick Pascua, John Uduba, Billy Ray Boado at Roman Gatchallan para sa kanilang mainit na opensa sa 111.3 puntos bawat laro. Galing ang La Union sa madaling 105-86 panalo sa Muntinlupa Constructicons noong Oktubre 28.


Para sa bisitang Kings, nakatikim na sila ng unang panalo matapos manaig sa Camarines Sur Express, 96-75, noong Oktubre 21. Umaasa na mauulit ang mahusay na ipinapakita ngayong conference nina Raymart Amil, Jeff Disquitado, Alex Hilario at Jazzele Oliver Cardeno at mauwi ang pangalawang panalo sa apat na laro.


Sa unang laro, magkikita ang Camarines Sur at DF Bulacan Republicans sa 4:00 ng hapon. Parehong galing sa panalo ang dalawang koponan at tiyak na susulitin nila ang malayong lakbay at uuwi na may bitbit na tagumpay.


Dinurog ng Express ang Quezon City All-Stars, 103-86, noong Oktubre 28. Sariwa pa ang 91-86 pagtakas ng Republicans sa Muntinlupa noong Miyerkoles sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando City, Pampanga.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page