top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

PAOwer at Bulacan, Magpapatatag sa NBL

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 11, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 11, 2022



Patitibayin ng La Union PAOwer at host DF Bulacan Republicans ang kanilang estado bilang mga nangungunang koponan ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup sa pagharap sa magkahiwalay na kalaro ngayong Biyernes sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City. Parehong may limang panalo ang PAOwer at Republicans at ang isa pa ang magtitiyak ng kanilang pagpasok sa playoffs sa Disyembre.


Sasalubungin ng Bulacan ang bisitang Quezon City All-Stars sa tampok na laro sa 6:00 ng gabi na kasunod ang pambungad na laban sa pagitan ng PAOwer at Taguig Generals sa 4:00 ng hapon. Kahit wala pang panalo ang QC, nananatili silang delikadong kalaro at hindi dapat maging kampante ang Republicans.


Huhugot muli ng lakas ang Bulacan sa mga naparangalan na bilang Best Player na sina Gabe Capacio at RV Jumaquio subalit mainit ngayon si shooter Benedict Benedictos na gumawa ng pinagsamang 31 puntos sa kanilang dalawang panalo noong nakaraang linggo sa San Juan, La Union.


Matapos ang dalawang linggong pahinga, gagawin ng All-Stars ang lahat upang maitala ang unang tagumpay sa NBL at kailangan ng magandang laro mula kay Joseph Brutas, Leonardo Esguerra, Larry Tucker at Christian Manalo. Hinanap din ng QC ang opensa ng numero unong scorer ng liga Aurin Catacutan na hindi naglaro sa huli nilang talo sa Camarines Sur Express, 86-103, noong Oktubre 28.


Itataya ng PAOwer ang kanilang perpektong 5-0 kartdada at umaasa na ituloy nina Erven Silverie, Jap Pambid at Patrick Pascua na sariwa pa mula sa matagumpay na dalawang laro sa harap ng kanilang mga tagahanga sa San Juan. Gaya ng QC, galing ang Taguig sa 19 araw bakasyon matapos ang 95-90 lusot sa CamSur noong Oktubre 23.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page