Panuntunan sa mga selebrasyon, linawin para iwas-lito sa publiko

ni Ryan Sison - @Boses | November 9, 2020
Habang papalapit ang Kapaskuhan, unti-unti nang naghahanda ang mga Pinoy.
‘Ika nga, kahit may pandemya, tuloy ang selebrasyon ng Pasko kahit may mga pagbabago.
Kaugnay nito, inilabas ng Department of Health (DOH) ang public health guidelines para matiyak na makapagdiriwang ang mga Pinoy nang hindi nalalagay sa panganib ng COVID-19.
Ayon sa circular No. 2020-0355 ng DOH, limitadong face-to-face activities lang ang inirerekomenda sa publiko. Puwede umano ang “virtual party”, gawin ang Christmas shopping online, gayundin, um-attend ng misa online.
Paliwanag ng DOH, mataas ang tsansa ng kumalat ang COVID-19 ‘pag may in-person activities, kaya kung hindi maiiwasan ang mga ito, piliin ang outdoor activities sa open at well-ventilated areas. Gayundin, hinihikayat ang publiko na bawasan ang oras ng in-person activities kung nais magsagawa ng gatherings.
Siyempre, dapat sumunod sa minimum health standard tulad ng pagsusuot ng facemask at face shield, physical distancing at cough etiquette.
Samantala, ipinagbabawal naman ang paggamit ng videoke machine, dahil base umano sa siyensya, hindi pa ito puwedeng irekomenda dahil nakita umano sa pag-aaral na pinakamataas ang load ng virus na puwedeng i-transmit ‘pag kumakanta.
Gayunman, puwede ang nasabing aktibidad kung magkakapamilya lang na hindi lumalabas ang magbi-videoke.
Kakaiba ang Pasko ngayong taon dahil marami nang bawal at maraming dapat sundin para hindi malagay sa panganib ang kalusugan.
Siguro, marami pang tanong ang publiko. Kaya panawagan sa mga kinauukulan, linawing mabuti ang panuntunan para maiwasan ang kalituhan.
Baka kasi imbes na masunod at ligtas ang lahat, magkanda-labo-labo pa.
At tayo namang taumbayan, ‘wag nang magpasaway. Bagama’t limitado ang mga puwedeng gawin, maging malikhain tayo para maging masaya at mas maramdaman ang tunay na diwa ng Pasko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments