Panukalang batas para paiksiin ang bilang ng taon sa kolehiyo, ihahain
- BULGAR

- Jun 24, 2025
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 24, 2025

Sa pagbubukas ng 20th Congress, maghahain ang inyong lingkod ng isang panukalang batas upang mapaikli ang bilang ng mga taong kinakailangang gugulin ng ating mga mag-aaral sa kolehiyo. Panahon na upang tuparin natin ang ipinangako ng gobyerno noong nagdagdag tayo ng dalawang taon sa high school: iikli ang panahong kailangang ilaan ng ating mga mag-aaral sa mga kursong nais nilang kunin.
Nagiging usap-usapan kamakailan ang mga panukala kung nararapat na bang buwagin ang senior high school. Matatandaan na ipinangako ng dagdag na dalawang taon sa high school na magiging handa ang ating mga mag-aaral sa kolehiyo o sa trabaho.
Ngunit marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi kontento sa senior high school.
Sa isang Pulse Asia Survey na isinagawa noong March 23-29, lumalabas na 40% o 4 sa 10 sa ating mga kababayan ang hindi contented sa senior high school. Noong tinanong ang ating mga kababayan kung bakit hindi sila kontento sa naturang programa, lumalabas na pangunahing dahilan ang dagdag-gastos. Sa kabila nito, wala pa ring katiyakang makakakuha ang ating mga senior high school graduates ng trabaho.
Dahil dito, may mga nagsusulong na alisin na lamang ang senior high school. Ngunit maaari ring magdulot ng pinsala ang ganitong hakbang. Isa sa ating mga pinangangambahan ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Para sa inyong lingkod, mas mahalagang patatagin natin ang senior high school upang maramdaman ng ating mga kababayan ang benepisyo nito. Upang ihanda ang ating mga senior high school graduates sa trabaho, mahalagang ituro natin sa kanila ang mga soft skills tulad ng critical thinking, communication, creativity, socio-emotional skills at iba pa.
Kasabay nito, kailangang tuparin na natin ang ipinangakong mas maikling panahong kailangang gugulin sa kolehiyo. Isa sa mga paraan para magawa ito ay ang pagtuturo ng mga kurso ng General Education (GE) sa senior high school. Lumabas sa mga pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education na halos 42% ng mga programa sa kolehiyo ay nakatutok sa GE. Samantala, hindi naman sapat ang panahong inilalaan ng ating mga mag-aaral sa internship o on-the-job training kung ihahambing sa mga programa sa mga karatig-bansa sa Timog Silangang Asya, Australia, at Europa.
Bagama’t ipapatupad ngayong school year ang pilot ng bagong senior high school curriculum, itutuloy pa rin natin ang paghahain ng panukalang reporma sa kolehiyo. Patuloy din nating tututukan ang bagong programa ng senior high school upang masuri kung nakakatulong ba ang mga ito sa ating mga mag-aaral. Kung kaya nating tapusin ang mga programa sa panahong mas maikli sa apat na taon, magiging malaking tulong ito sa ating mga kababayan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments