top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Panibagong simula tungo sa iisang hangarin na mas ligtas at komportableng buhay

BULGAR
May 27, 2022
4 min read

para sa bawat Pilipino


ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 27, 2022


Nitong Mayo 25, 2022 ay ipinroklama na ng Kongreso sina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang bagong pangulo, at Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte bilang bagong pangalawang pangulo ng ating bansa.


Tapos na ang halalan at panahon na para magkaisa at magpokus sa trabaho para sa ikabubuti ng bawat Pilipino. Magsisimula na tayo ng bagong kabanata ng buhay bilang isang sambayanan sa ilalim ng bagong administrasyon.


Nagpalit man ang ating liderato sa gobyerno, patuloy pa rin ang ating pagseserbisyo tungo sa ating iisang hangarin na mas ligtas a komportableng buhay para sa bawat Pilipino.


Umaasa ako na gagampanan ng bagong Pangulo at Pangalawang Pangulo ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng ating mga kababayan — lalung-lalo na ang pagtulong sa mga mahihirap at higit na nangangailangang mga Pilipino.


Isa lang ang aking pakiusap at paalala, tulad ng laging bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte, unahin dapat ang kapakanan ng ating mga kababayan. Walang dapat mapabayaan at lahat dapat ay makatikim ng ginhawa na dulot ng maayos na serbisyo mula sa ating gobyerno.


Isa sa dapat pakatutukan ng bagong administrasyon ay ang pagtugon sa COVID-19 pandemic, at matulungan ang ating mga kababayan na makaahon sa hirap na idinulot nito sa kanilang buhay. Napakaimportante po na maka-recover agad tayo at makalikha ng mga trabaho at walang magugutom na Pilipino.


Matatalino, mahuhusay at alam ng dalawang bagong pinakamataas na opisyal ng ating bansa ang kanilang tungkulin. Nasa likod rin nila ang milyun-milyong mga Pilipino na nanindigan na maipaglaban ang kanilang boto noong nakaraang halalan. Kapag malakas ang suporta ng taumbayan, inaasahang maipatutupad ang kanilang mga programa na maghahatid sa ating bansa at mga mamamayan sa kaunlaran.


Ako bilang senador ay patuloy na susuporta sa mga magiging programa ng bagong administrasyon lalo na ang makapagbibigay ng tulong sa mahihirap at mag-aalaga sa kapakanan ng ordinaryong mga mamamayan.


Tungkol naman sa ating mahal na Pangulong Duterte, nagsisimula na siyang magligpit ng mga gamit pauwi sa kanilang tahanan sa Davao City. Doon siya mananatili sa kanyang retirement bilang private citizen kapiling ang kanyang pamilya.


Nakakalungkot man na patapos na ang kanyang termino dahil alam kong marami pa siyang gustong gawin para sa bayan, masaya na rin ako dahil makakapahinga na rin siya na panatag ang loob na ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya upang magampanan ang kanyang tungkulin bilang ama ng bansa.


Tiyak namang hindi siya titigil sa pagseserbisyo dahil nakasanayan na niya ang pagtulong sa anumang kapasidad — may posisyon man o wala. Magpapatuloy pa rin ang kanyang pagmamalasakit sa kapwa.


Magpalit man ang administrasyon, hindi naman tumitigil ang inyong Kuya Bong Go sa pagseserbisyo sa mga kababayan natin. Sa nakaraang mga araw ay personal kong pinuntahan at inalam ang kalagayan ng 106 pamilyang nasunugan sa Navotas City, at 277 pa sa Baseco, Manila.


Agad din tayong umalalay sa iba pang pamilyang nasunugan gaya ng 87 sa Tondo, Manila; 64 sa Pasig City; 18 sa Makati City; at walo pa sa Bgy. Manuyo Dos at Talon Tres, Las Piñas City.


Patuloy din ang serye ng pamamahagi ng ayuda ng aking tanggapan sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte na ang mga benepisyaryo ay solo parents, mga mangingisda, senior citizens at miyembro ng iba’t ibang sektor. Sa Brgy. Peñaplata ay naalalayan natin ang 969 benepisyaryo; 598 sa Bgy. Adecor; 570 sa Bgy. Bandera; 315 sa Bgy. Sion; 433 sa Bgy. Tagdaliao; at 194 pa sa Bgy. Catagman.


Naghatid din tayo ng tulong sa mga mahihirap na residente sa iba’t ibang komunidad na apektado ang kabuhayan ng pandemya at iba pang krisis gaya ng 866 benepisyaryo sa San Pablo City, Laguna; 418 sa Carranglan at 194 sa Lupao na mga lugar sa Nueva Ecija; 139 sa Burauen, at 78 sa Guindaponan, Palo, sa Leyte pa rin.


Napasaya rin natin at nabigyan ng tulong ang 41 na maliliit na negosyante sa Bgy. Calinan, Davao City. Merong 431 na kababayan natin mula sa Guimbal, Tubungan, Miag-ao, at San Joaquin sa probinsya ng Iloilo ang nakatanggap ng tulong.


Nakakawala ng pagod kapag nakakatulong sa kapwa. Mas sumisigla ako kapag nakikita ko sa mga mata ng ating mga kababayan ang panibagong pag-usbong ng pag-asa. Ito ang dahilan kung bakit patuloy akong naninindigan na gampanan ang aking tungkulin bilang lingkod-bayan.


Sa aking mga kababayan, kahit saang sulok man ng bansa, handa po akong tumulong sa abot ng aking makakaya upang pakinggan ang inyong mga hinaing, masolusyunan ang inyong mga problema, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.


Wala na akong hihingin pa sa Diyos dahil nabigyan na ako ng pagkakataon na magserbisyo sa inyo. Ang tanging dalangin ko na lang ay sana ay makabangon tayong muli sa mga krisis na ating hinaharap bilang isang nagkakaisa at mas matatag na bansa!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page