top of page

Pangungutya sa mga PWD, may karampatang parusa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 5
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 5, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa isang lipunan na madalas inuuna o tinitingnan ang pisikal na anyo bilang sukatan ng karapatan, kinakailangang ipaalalang muli na hindi lahat ng kapansanan ay halata o lantad ang kondisyon, kaya marapat na maging bukas ang isip sa lahat ng aspeto. 


Sa panibagong insidente ng diskriminasyon na naranasan ng isang person with disability (PWD), kung saan kanyang nai-post ito sa social media, isinalarawan niya ang pangmamaliit at pasaring na natanggap mula sa kapwa pasahero ng LRT matapos siyang maupo sa isang priority seat. 


Sa kabila ng pagkakaroon niya ng visual impairment dulot ng congenital cataract at malabong paningin na umaabot sa 1,150 ang grado ng salamin, pinilit umano siyang patayuin ng mga ito. Nang kanyang ipaliwanag na siya ay PWD, sinabi pa umano ng isang pasahero na kung visual disability lang naman daw, hindi na dapat umupo sa prayoridad na upuan. Dahil dito, naisip na niyang i-record ang insidente. 


Agad namang tumugon dito ang National Council on Disability Affairs (NCDA), at iginiit na may violations sa ginawang ito ng mga kapwa pasahero ng PWD.


Ayon kay Atty. Walter Jason Alava, tagapagsalita ng NCDA, nalabag ng mga pasahero ang RA 9442, na nagbabawal sa pangungutya o ridicule sa mga may kapansanan as amended by 10754, gayundin ang RA 7277 o Magna Carta for PWDs. 


Aniya, ang mga mapapatunayang lumabag ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at pagmumultahin ng P50,000 hanggang P200,000. 


Paliwanag pa ng NCDA, hindi lahat ng PWD ay apparent disability o nakikita sa pisikal na anyo ng taong may kapansanan. Marami rin ang non-apparent disabilities gaya ng visual, mental, learning and intellectual, at psychosocial impairments — na kadalasan ay hindi nakikita o napapansin pero totoo’t seryoso. 


Hindi lamang simpleng pagtayo o hindi pagtayo sa upuan ang nais nating ipabatid sa lahat. Ito ay usaping paggalang, pang-unawa, at pagbasag sa kaisipang ang PWD ay hindi kailangang mukhang may kapansanan para magkaroon ng karapatan. Dahil sa bawat panghuhusga, kawalan ng pagpapahalaga sa mga tulad nila tiyak na labis din silang nahihirapan at nasasaktan.


Marahil, imbes na manghusga, maging bukas tayo na hindi man nakikitang may kapansanan maaaring may pinagdadaanan ang taong ating nakakasalamuha, kaya naman kailangang laging pairalin ang pagiging marespeto.


Tandaan din natin na ang tunay na pag-unlad ng isang bansa ay makikita sa kung paano nito pinapahalagahan ang pinakamahihina at mga kadalasang napag-iiwanan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page