top of page

Pangungurakot, sakunang masahol pa sa lindol

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 6
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 6, 2025



Fr. Robert Reyes


Nasa first year high school tayo nang nagising na pawang batang inuugoy sa duyan noong Agosto 2, 1968. Masamang panaginip ba ito, tanong ko sa aking sarili. 


Ngunit, nagpatuloy ang pag-uga ng aming bahay sabay paglangitngit ng mga kahoy ng sahig at pagkikiskisan ng mga bakal at yero ng bubong. Dumating ang aking ina na kinalma kaming apat na magkakapatid. Madilim pa noon dahil bandang alas-4 lang ng madaling-araw. 


Nang magbubukang liwayway na, iisa lang ang balita. Sa tindi ng lindol na 7.3 intensity, gumuho ang Ruby Towers sa bandang kalye ng Doroteo at Teodora Alonzo sa Maynila, at nasa 250 ang naitalang patay.


Ganito pala ang lindol, delikado, nakakatakot, nakakamatay. 

Pagkaraan ng mahigit 20 taon, naalala pa natin ang pagpunta sa Baguio City para dumalo sa isang pulong. Sa isang hotel ako tumuloy, at FRB Hotel yata ang pangalan. 


Hindi nagtagal, ilang linggo lang ang lumipas nang dinalaw ng matinding lindol ang Baguio at kasama ng malalaking hotel tulad ng Hyatt Terraces Hotel, Hilltop Hotel, Nevada Hotel, Park Hotel at the Pines Hotel napasama ang FRB Hotel sa mga gumuho o nagtamo ng matinding sira. Naganap noong Hulyo 16, 1990 ang malakas na lindol na nasa 7.8 intensity. 


Marami tayong kakilala at kaibigan na naroon nang naganap ang lindol. Kabababa lang ng Maynila ng isang kaibigang nagtatrabaho sa Hyatt Terraces nang lumindol. Nasa Nevada Hotel naman si Gng. Sonia Roco, asawa ni dating Senador Raul Roco. Hindi siya nasaktan ngunit inabutan ito ng lindol sa loob ng elevator at nanatili doon ng 36 oras bago natagpuan ng mga rescuer.


Hindi tayo napag-iiwanan ng balita, nang sumunod na taon ay sumabog ang Mt. Pinatubo, Hunyo 15, 1991, at tinamaan ng matinding baha ang Ormoc City noong Nobyembre 5, 1991. 


Kakaibang dekada ang 90 sa mga dagok ng kalikasan. Mabuti na lang at mapayapa muli ang bayan sa ilalim ng pamumuno ng noo’y Pangulong Cory Aquino. Ngunit, sa kabila ng mapayapang EDSA Revolution noong 1986, sunud-sunod ang mga kudetang inabot ng kanyang pamahalaan: Nobyembre 1986, ‘God Save the Queen Plot’; ang naudlot na kudeta noong Hulyo 1987; ang kudeta noong Agosto 1987 na sinasabing may 53 patay; at ang naging mapanganib na kudeta noong Disyembre 1989. 


Dahil sa mga artipisyal na ‘lindol’ ng sunud-sunod na kudeta, binuo ni Cory ang Davide Commission para imbestigahan ang mga kudetang ito.


Natapos ang termino ni Cory Aquino ngunit hindi nawala ang mga lindol ng pulitika tulad ng “Pirma” ni dating Pres. Fidel V. Ramos na tinutulan ni Jaime Cardinal Sin sa isang malaking rally sa Luneta. Nagkaroon din ng malawakang krisis sa kuryente at ang mga kahina-hinalang “Land Conversion Projects” na pinirmahan ni FVR mula sa Centennial Project sa Clark; sa PEA Amari (158 ektaryang reclamation sa Manila Bay) para itayo ang Freedom Islands, at ang pagbenta umano sa malaking bahagi ng Fort Bonifacio na ngayon ang kilalang BGC o The Fort sa Taguig.


Matindi ang mga ‘lindol’ ng sumunod na dekada ng bagong milenyo: 2001, ang EDSA Dos; 2003-2010 ang maliligalig na siyam na taon sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. 

Ang anim na taon ng mahinahon at tahimik na pamahalaan ni dating Benigno “Noynoy” Aquino (PNoy), at ang ‘kaguluhan’ ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at ang kasalukuyang gobyerno. 


Bukod pa sa lindol, matindi rin ang bagyo sa mga taong nagdaan. Dumating ang Yolanda, noong Nobyembre 2013. Nauna ng isang buwan ang lindol sa Bohol noong Oktubre 2013. Bago ito, ang Bagyong Ondoy noong Setyembre 2009.


At nitong Setyembre 30, niyanig ang Cebu ng 6.9 intensity na lindol. Tinawagan natin agad ang ilang kaibigan sa Cebu. 


Pista ng mga Anghel nang isulat natin ang artikulong ito. Naitanong natin sa mga nagsisimba kung naniniwala at nagdarasal pa sila sa kanilang ‘anghel de la guardia’. Marami namang tumango at tinanong din natin kung sa tingin nila nagdasal kaya sa kanilang mga ‘anghel de la guardia’ ang mga nasawi noong nakaraang lindol sa Cebu?


Walang nakaaalam. Kaya’t ating naidagdag na marahil panahon nang bumalik sa ating mga ‘anghel de la guardia’ at humingi ng gabay, proteksyon at panalangin sa kanila. 

Magulo ang paligid mula sa iskandalo ng maruruming opisyal na walang kahihiyang nagbubulsa ng kaban ng bayan. Magulo din ang paligid dahil sa sari-saring sakunang natural tulad ng bagyo at lindol.


May nagtanong sa atin minsan kung bakit ang malimit na biktima ng mga sakuna ay maliliit at mahihirap? Bakit madalas nakaliligtas ang mga mayayaman, at ibang mga korup? Malinaw ang sagot natin dahil nasa magaganda at ligtas na lugar ang kanilang mga bahay. Gayunman, hindi bagyo o lindol ang maaari nilang ikamatay, at sila lang ang nakakaalam nito.


Noong isang araw nag-alok ng sagot si Kara David. Sa pagdiriwang ng kanyang ika-52 kaarawan, ang kanyang wish ay “Sana’y mamatay ang lahat ng mga kurakot sa Pilipinas!” Ito ang masasabing tunay na sakuna na masahol pa sa lindol!

1 Comment


Jessica Wright
Jessica Wright
Oct 06

Οι επιλογές πληρωμών είναι ευέλικτες και γρήγορες. αξιόπιστα καζίνο N1 www.tychebets.gr/kritikes/n1-casino και παρόλο που είναι σχετικά νέο στην ελληνική αγορά, δείχνει πολλές υποσχέσεις για το μέλλον. Η συνολική εμπειρία μου ήταν ικανοποιητική και θα συνεχίσω να το παρακολουθώ.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page