Pangongotong ng traffic enforcer, cashless na rin
- BULGAR
- Jul 4, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | July 04, 2021
Dahil sa pandemya, patok na patok ang cashless transaction para mas mabilis ang transaksiyon at maiwasan ang direct contact ng mga tao sa isa’t isa.
Ngunit, paano kung pati ang pangongotong ay cashless na rin?
Ganito ang eksena sa Maynila kamakailan kung saan huli sa akto ang traffic enforcer na nangotong sa isang truck driver. Ngunit sa halip na pera ang ibayad, sa e-wallet ipinadaan ang pera.
Base sa ulat, sinita ng enforcer ang isang truck driver dahil sa traffic violation noong Hunyo 28 sa Tondo. Marami umanong nilabag ang driver na pinagbabayad ng P5, 000, ngunit nagkaroon ng tawaran at bumaba na lamang sa P2,000. Dahil walang cash ang driver, pinatawagan ng enforcer ang kanyang amo para magdeposito na lang sa kanyang e-wallet.
Pero ang hindi alam ng enforcer, kinukuhanan ng video ng driver ang kanyang transaksiyon na napanood ng tanggapan ng mga opisyal ng Manila Traffic and Parking Bureau, na naging dahilan upang sibakin ang enforcer kinabukasan, Hunyo 29.
Minamanmanan na umano ng tanggapan ang enforcer dahil sa impormasyon ng pangongotong pero hindi ito natitiyempuhan. Kaya nang makita ang video, nagkaroon na sila ng patunay para sibakin ito sa trabaho.
Matagal nang isyu ang pangongotong ng mga traffic enforcer sa traffic violators, ngunit nakadidismaya dahil hanggang ngayon ay buhay pa rin ang ganitong kalakaran. Ang masaklap, sabay na sa uso at ginawa pang cashless ang transaksiyon.
Matatandaang mula 2019, umabot na sa 56 enforcers ang sinibak ng Manila Traffic and Parking Bureau dahil sa pangongotong at pangingikil.
angad nating magsilbing babala at paalala ang insidenteng ito na patuloy nating hahabulin at parurusahan ang mga tiwaling enforcers.
Tandaan na kayo ay tagapagpatupad ng mga batas at hindi mga pabigat sa gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments