Pangakong tulong medikal ng mga natalong kandidato, tuparin
- BULGAR
- 3 days ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 22, 2025

Ang serbisyong medikal ay maituturing na isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Dahil dito, marami sa atin ang sadyang tumatakbo sa mga pulitiko upang humingi ng tulong lalo na kung nasa kritikal na kalagayan ang kanilang mga mahal sa buhay. Ang masaklap lang kung minsan ay tila nagagamit ito para sa pansariling interes ng pulitika, kung saan may epekto sa nagiging resulta ng halalan.
Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) umaabot sa mahigit P7 bilyon ang hindi pa nababayarang hospital bills ng mga pasyenteng isinailalim sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.
Malaking bahagi ng mga pasyenteng ito ay inendorso ng mga kandidatong tumakbo subalit natalo sa katatapos na midterm elections. Ani president ng PHAPI na si Dr. Jose de Grano, humigit-kumulang 40% ng kanilang 1,200 miyembrong ospital ang apektado na ng hindi nababayarang serbisyo.
Binanggit din niya na ang Batangas ay kabilang sa mga pinakaapektadong lugar, kung saan 17 ospital ang may collectible claims na aabot sa P400 milyon. Hindi rin ligtas ang mga ospital sa Visayas at Mindanao, na nahaharap sa parehong problema.
Dahil dito, nanawagan na ang PHAPI sa Department of Health (DOH) na madaliin ang proseso ng bayaran upang hindi masakripisyo ang kalidad ng serbisyong medikal.
Binigyang-diin din ni De Grano na ang maayos na serbisyo ng mga ospital ay hindi dapat nakukumpromiso dahil lamang sa kinalabasan ng halalan.
Maituturing itong babala hindi lamang sa aspeto ng pamamahala ng pondo, kundi pati na rin sa kung paanong nagiging bahagi ng sistemang pulitikal ang tulong medikal.
Marahil, hindi dapat masangkot ang kalusugan ng mga mamamayan sa pulitika. Ang isang pasyente ay kailangang tumanggap ng nararapat na serbisyo hindi dahil sa kanyang koneksyon kundi dahil siya’y nangangailangan na dapat agad tulungan.
Kung hindi agad masosolusyunan at mababayaran ang mga pagkakautang, maaaring humantong ito sa pagbawas ng serbisyo ng mga ospital, o mas masahol pa, sa pagtanggi sa mga susunod pang mangangailangan.
Mahalaga ang accountability sa ganitong mga programa. Kailangang tiyakin ng DOH at iba pang kaukulang ahensya na hindi natitinag ang sistema sa resulta ng eleksyon.
Dapat nilang tugunan at resolbahin ang problema. Dahil sa huli, ang tunay na talo rito ay ang mamamayan, na umaasa lamang sa serbisyong pampubliko — at sa gobyernong may tungkulin na protektahan at pangalagaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments