top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pang-unawa at pasensiya, pairalin sa lahat ng oras

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 30, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 30, 2021



Sa halip na bayad sa inihatid na parcel, amba ng saksak gamit ang gunting ang natanggap ng isang delivery rider, kamakailan.


Habang nagaganap ang insidente, nakuhanan ng video ng rider ang pang-aamba ng lalaking kostumer nitong napag-alamang opisyal ng Department of Education sa Panabo City, Davao del Norte.


Sa video, ipinapaliwanag ng rider sa lalaki at asawa nito ang patakaran sa return at refund policy ng online shopping app kung saan nila binili ang produkto. Gayunman, hindi nakuntento ang mag-asawa at iginigiit na nabiktima sila ng panloloko, kaya hinihingi ng mga ito sa rider ang refund na aabot sa mahigit P300.


Maya-maya, tuluyang nagalit ang lalaki at sinugod ang rider habang may hawak na gunting at pilit siyang inaawat ng kanyang misis at makikita rin sa video na iniabot ng rider ang perang refund na hinihingi ng mag-asawa.


Nang ma-interview ng media ang delivery rider, sinabi nitong kumalma rin kalaunan ang lalaki at muling kinuha ang produkto at ibinalik din sa kanya ang pera na kanyang ibinigay.


Gayunman, aminado itong matinding takot ang kanyang naramdam sa sandaling ‘yun.


Samantala, kinumpirma ng DepEd Panabo Division na bagong promote na public school district supervisor ang lalaking may hawak ng gunting at pinagpapaliwanag ang naturang opisyal na posibleng maharap sa reklamong administratibo.


Gayundin, inihahanda na ng delivery rider ang paghahain ng reklamo laban sa opisyal.

Sa totoo lang, nakadidismaya na may ganitong insidente sa kabila ng pagsisikap ng ating delivery riders na makapagserbisyo sa kabila ng panganib ng kanilang trabaho.


Isa pa, nakaaalarma ang ganitong eksena dahil kapag napahamak ang rider, sino ang mananagot?


Bagama’t obligasyon ng delivery rider na maihatid nang maayos at ligtas ang mga produkto, sana’y maunawaan nating may polisiya na ipinatutupad at kailangan itong sundin sa lahat ng pagkakataon.


At tulad ng palagi nating hiling sa publiko, pairalin ang pang-unawa sa kahit sinong makakaharap natin.


‘Ika nga, umunawa kung may pagkakamali at iwasang magalit dahil hindi naman ito nakatutulong sa sitwasyon.


Sa panahon ngayon, pang-unawa at pasensiya ang kailangan ng lahat, kaya plis lang, ‘wag nating ipagkait sa bawat isa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page