ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | August 25, 2024
Ang daming umaangal na fans dahil sobrang mahal ng ticket sa Grand BINIverse concert ng BINI na gaganapin sa Nobyembre sa Araneta Coliseum.
Ang ticket prices ay nagre-range from P1,300+ (General Admission) to P11K plus (VIP).
Partikular na inirereklamo nila ang pinakamahal na P11,195 na VIP Standing. Para sa ibang fans, ‘OA’ ang presyo nito at hindi raw afford ng karamihan, lalo na nga’t ang ibang mga fans ay estudyante pa’t walang trabaho.
Isang vlogger nga ang naglitanya sa kanyang vlog tungkol sa napakamahal na ticket at ikinumpara pa ang presyo nito sa ibang foreign artists na nag-perform sa bansa.
“O, ‘eto, BLACKPINK nu’ng nag-concert sila sa ‘tin nu’ng nakaraang taon dito sa Bulacan, P14,000 plus. BINI, P11,000 plus – P2,000 or P3,000 lang ang agwat nila. Jusko naman, BLACKPINK po ‘yan!” sey ng vlogger.
Ang BLACKPINK ay South Korean girl group na hindi lang sa kanilang bansa sikat na sikat kundi halos sa buong mundo.
“Eto pa, ‘yung The Script, nag-concert dito sa ‘tin nu’ng 2022. Baka hindi n’yo kilala, sila po ‘yung kumanta ng Break Even, The Man Who Can’t Be Moved, Super Heroes. ‘Yung VIP nila, nasa P9,000 lang. Kung ako ‘yung tatanungin, mas kilala ‘yung The Script kaysa sa BINI, pero ‘yung presyo ng BINI, pangmalakasan, jusko!” litanya pa ng vlogger.
Patuloy pa niya, “Eto pa ‘yung malala, may concert din si Ne-Yo ngayong taon dito sa ‘tin, alam n’yo, kung magkano VIP? P12,000 thousand.”
Aniya pa, “Hello, napakamahal n’yan, BINI! Isipin n’yo ‘yung agwat ng tiket VIP n’yo kay Ne-Yo.”
Talak pa ng vlogger, “Sino’ng normal na bata, ‘yung normal na fan nila ang makaka-afford ng ganyan, lalo na kung hindi naman talaga mayaman?”
Kinukuwestiyon din niya ang Gen Ad price na mas mahal pa kumpara kay Ne-Yo na P1,200.
“Dapat, kahit paano, binabaan n’yo naman ho sana ‘yung presyo ng tiket ninyo kahit sa General Admission lang sana,” sey pa ng vlogger.
Ang bongga ng tinaguriang Broadcast Sweetheart na si Marie Lozano dahil siya ang headliner sa bagong lifestyle program ng Bilyonaryo News Channel na tinatawag na Lifestyle Lab.
Malalim na tatalakayin ng nasabing documentary-style show ang mga topics about health, wellness, beauty, at fashion in signature Bilyonaryo style of reporting and presentation. At hindi lang ito mapapanood sa free TV kundi maging sa digital world din.
Ieere ang new episodes ng show every Saturday at 10:00 AM with repeats at 8:00 PM at replays on Sundays at the same time slots.
Mapapanood din sa Lifestyle Lab ang mga hottest and most talked-about treatments and products na tiyak na papatok sa mga manonood.
Ipapakita ng veteran journalist and aspirational star na si Marie ang mga latest trends at ibubuking din nito kung ano ang ‘hype’ at ‘real deal.’
Mula sa beauty and cosmetic product reviews, aesthetic treatment and pharmaceutical therapies, to experimental fashion, grooming tips, and beyond, makakaasa ang mga viewers ng isang makabuluhang panoorin kasama ang glamorosang host na si Marie.
Starting September 9, nakatakda nang mapanood ang Bilyonaryo News Channel sa free-to-watch television channel BEAM TV 31 (through digital TV boxes in Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo, Baguio, Zamboanga, and Naga) at leading cable TV provider, Cignal Channel 24.
Hindi lang celebrity players at home viewers ang panalo dahil pati ang studio audience, may chance na ring mag-uwi ng cash prize sa Family Feud (FF).
Simula noong August 21, kasali na rin sa papremyo ang live studio audience. Pipili si Kapuso Primetime King at FF host Dingdong Dantes ng isang player sa audience na huhula sa natitirang survey answers sa board. Kapag tama ang sagot, mag-uuwi ang audience member ng P5,000!
Bukod d’yan, tuluy-tuloy din ang pamimigay ng blessings sa home viewers sa pamamagitan ng “Guess to Win Promo.” At siyempre, dapat ding abangan ang mga star-studded families na maglalaro araw-araw.
Mapapanood ang FF Lunes hanggang Biyernes tuwing 5:40 PM sa GMA-7.
Opmerkingen