Panelo at Roque, panay birit kahit bawal mag-videoke!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 20, 2020
TROPANG SPEAKER VELASCO, ‘HAYOK SA PORK’?—Ibinulgar ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mahigit P28 bilyong pondo umano ng Department of Education at Department of National Defense (DND) para sa 2021 national budget ang kinaltas ng mga kongresista, sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco at isinalin ang perang ito ng bayan sa kanilang mga “pork barrel” projects.
Sa buwisit ni Sen. Lacson, nasabihan tuloy nito ang tropa ni Velasco na mga “hayok sa pork”, boom!
◘◘◘
SA PANAHON NG PANDEMYA, BAWAL DAW MAG-VIDEOKE PERO SINA PANELO AT ROQUE, HATAW SA PAGBIRIT—Viral ngayon sa social media ang video ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo habang kumakanta sa restaurant sa Makati City, at bukod d’yan, nauna na rin nag-viral ang video rin ni Presidential spokesman Harry Roque na kumakanta rin sa videoke bar sa Baguio City noong Nov. 13, 2020.
Hay naku, panay ang paalala ng gobyerno na bawal munang mag-videoke ngayon pero itong mga alipores ni P-Duterte, panay ang birit sa pagkanta sa mga pampublikong lugar, mga pwe!
◘◘◘
DAPAT I-VETO NI P-DUTERTE ANG “PORK” NG MGA CONG—Tinanggap na ng Malacañang at nasa tanggapan na ni P-Duterte ang P4.5 trillion national budget sa 2021 at pirma na lang ng Pangulo ang kailangang upang maparte-partehan na ito ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Sana, i-veto o i-reject ni P-Duterte ang mga naisingit na pork barrel ng mga kongresista sa 2021 national budget kasi kung dededmahin lang niya ito ay lalabas na kinukunsinte niya ang pork barrel ng mga cong., period!
◘◘◘
AFP, AKALA MO PALABAN PERO TIKLOP SA CHINA!—Sa ika-85-taong anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay ipinarada ng militar ang mga barkong pandigma ng Pilipinas sa dagat na sakop ng Bataan.
Naks, akala mo talaga palaban at handang ipagtanggol ang bansa laban sa mga mapanakop na dayuhan, pero sa China na sumakop sa mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS (West Philippine Sea), eh, tiklop, boom!





Comments