top of page
WINNER - BINI, INIAAHON ANG ABS-CBN SA PAGKALUGI-IG _BINI_PH.jpg

Panawagan na social media ban para sa mga kabataan, lalong tumitindi

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 20, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa gitna ng patuloy na pagdami at paglala ng mga insidente ng karahasan sa ating mga paaralan, lalo ring tumitindi ang ating panawagan para tuluyang ipagbawal sa mga menor-de-edad ang paggamit ng social media. 

 

Nitong nakaraang Martes, Agosto 18, isa na namang trahedya ang nangyari sa loob ng isang paaralan. Gamit ang isang pistol at isang rifle, nagpaputok ang isang Grade 9 student sa loob ng Ateneo de Zamboanga University Junior High School. Ayon sa mga naunang ulat, ilang mag-aaral ang sugatan at dalawa ang kumpirmadong nasawi sa insidente, kasama na rito ang mismong suspect. 

 

Una sa lahat, muli nating ipinapaabot ang ating taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi at sa buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University. Nakakalungkot na tila nagiging normal na ang ganitong klaseng karahasan sa mga paaralang dapat nagbibigay ng ligtas na espasyo para sa ating mga mag-aaral. 

 

Ngunit may isang aspeto sa pinakahuling insidenteng ito na lubhang nakakabahala. Ginamit ng suspect ang Facebook Live upang iere ang mismong pamamaril, bagay na nakita ng marami sa ating mga kababayan. Nakakabahala na dahil sa nangyaring Facebook Live at sa rami ng mga nag-repost, nakita ng marami sa ating mga kababayan ang ganitong karahas at ka-sensitibong mga eksena, bagay na hindi dapat natin napapanood tulad ng isang pangkaraniwang video. 

Una na nating ipinanawagan ang pagpapatupad ng mga programa para sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral. Halimbawa nito ang School-Based Mental Health Program, upang pangalagaan ang mental health ng ating mga kabataan, at ang Parent Effectiveness Service Program, upang patatagin ang kakayahan ng mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak. 

 

Maliban sa mga programang ito, patuloy din nating isinusulong ang social media ban para sa mga menor-de-edad na wala pang 16 taong gulang. Inihain ng inyong lingkod ang Social Media Safety for Children Act (Senate Bill No. 2066) upang pagbawalan ang mga menor-de-edad na gumamit ng mga social media platforms.

Nakita natin sa pinakahuling insidente kung gaano kadaling nagagamit ang social media upang ipakalat ang mga nakakabahalang video o imahe ng karahasan. Maliban dito, alam na rin natin na nagmumula sa social media ang ilang masasamang impluwensya na siyang nagtutulak sa ating mga mag-aaral na gumawa ng karahasan. Panahon na upang sugpuin natin ang pinsala ng social media sa ating mga kabataan.

 

Sa lalong madaling panahon, tatalakayin ng Senado ang panukalang tuluyang ipagbawal sa mga menor-de-edad ang paggamit ng social media. Hindi na natin maaaring payagang manaig ang mga masasamang impluwensiyang nagtutulak sa ating mga kabataan tungo sa karahasan.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page