Pananampalataya ng kristiyanismo sa loob ng 500 taon
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| March 14, 2021
Hating-gabi ng Lunes, ika-15 ng Marso, 2021 ay ganap na matatapos ang 500 taon mula nang dumating ang Kristiyanismo sa ating bansa. Napakahalaga na ito’y gunitain, markahan, ipagdiwang, pagnilayan at gamiting panimula ng bagong yugto.
Maraming nauna ang nag-ambag ng talino, talento at tapang sa pagtatanim, pag-aalaga at pagpapalaganap ng pananampalatayang Katoliko. Dumating sila, taglay ang paghahangad na ipakilala si Kristo, ang kanyang Ama at ang Espiritu Santo. At ang kanilang pinakasimbolikong aksiyon ay ang pagtatanim ng Krus upang sa wakas, magtagpo ang pananampalatayang Katoliko at ang kamalayang katutubo.
At bilang pagkilala sa kahalagahan ng pagtatanim ng pananampalataya ng mga unang misyunero (Agostino; Dominicano; Franciscano at Heswita) ating isasagawa ang “LAKARUN” tungo sa Misyon ng susunod na 500 taon. Napakahalaga ng araw na ito, araw ng pagtatapos ng 500 taon at pagsimula ng susunod na 500 taon.
Sa tulong ng mahuhusay na kamay ng iskultor na si Willie Layug ng Betis, Pampanga, merong 500 Jubillee Cross na maaari natin itanim sa iba’t ibang lugar upang bigyang-daan ang malalim na pagninilay tungkol sa mahahalagang nangyari at ibinunga ng nagdaang 500 taon. Sisikapin nating makipagusap sa iba’t ibang pamayanan na maaaring tumanggap at alagaan ang krus tungo sa pagbubuo ng Bagong Misyon para sa susunod na 500 taon.
Mula gabi ng ika-15 ng Marso hanggang umaga ng ika-17 ng Marso, maglalakbay ang ilang mananampalataya mula Betis, Pampanga hanggang Malolos at magtatapos sa ilang parokya sa Diyosesis ng Cubao.
Mahalagang muling maglakad para isabuhay ang Bagong Misyon ng Simbahan sa simula ng susunod na yugto ng Kristiyanismo. Buhay na buhay sa mga unang misyunaryo ang paggamit ng paa at buong katawan upang ihatid ang mabuting balita sa mga unang tumanggap nito. Sa maraming lugar, walang anumang balakid at hadlang na dinanas ng mga unang misyunero maliban sa wika sa pagtanggap sa pananampalataya.
Subalit, sa pagpasok sa bagong yugto ng misyon, maraming hamon at problemang kinahaharap ng Simbahan. Maraming nabibinyagang Kristiyano-Katoliko, ngunit kakaunti ang nakatatanggap ng malalim na katekismo hinggil sa pananampalataya. Kung ang pananampalataya ay ihahambing sa puno, kakailanganin nito ng ugat na magpapatunay na namunga na ang pananampalataya sa buhay.
Ito ang nilalayon ng proyektong 500 Taong Punong Krus, na muling pasiglahin at pagyabungin ang pananampalataya sa buhay, propesyon, pamilya at pamayanan ng bawat Pilipino. Kung sa pagtanim ng unang krus ay sinimulang iugnay ang pananampalatayang Kristiyano sa kulturang Pilipino, na malinaw ang magandang ibinunga nito sa buhay ng bawat mamamayan, nararapat lamang magkaroon ng ibayong simula, upang higit pang patatagin ang pananampalataya at hayaan itong maging bukal ng ibayong sigla, buhay, kabuluhan at puwersa para sa kabutihan.
Kaya muling itatanim ang krus sa pamilya at pamayanan. Tatanggapin ng pamayanang Kristiyano ang krus at ang bagong hamon na gawin misyunero ang lahat. Sa halip na bigyang-diin lamang ang personal na pananampalataya, bibigyang-diin ang paghuhubog sa bawat mananampalataya na maging bagong misyunero.
Ang krus na tatanggapin ng pamayanan ay magiging tulak na muling buuin ang bansang pinaghiwa-hiwalay ng sari-saring puwersa mula pulitika, pangkabuhayan, walang habas na pagkagumon sa internet.
Buo at matatatag na pamayanan ang magliligtas sa atin sa pandemya, takot, gutom at pagkakani-kanya
.
Ito ang biyaya ng katapusan ng 500 taon ng Kristiyanismo, ang hamon na paigtingin pa ang pagbubuo ng mga matatatag na pamayanang Kristiyano na nagkakaisa sa pananalig, pagdadamayan at patuloy na pagpapalaganap at pagpapatatag ng sinimulan at magpapatuloy sa marami pang taong darating.





Comments