top of page

Pananagutan ng mga opisyal ng kumpanya sa kaso ng illegal dismissal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 4
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 4, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nagpaplano kaming magsampa ng kasong illegal dismissal laban sa dati naming kumpanya. Maaari ba naming isama sa kaso ang Human Resource (HR) manager at ang immediate supervisor namin? – Dylan



Dear Dylan,


Sang-ayon sa batas, ang isang korporasyon bilang isang juridical person ay may tinatawag na “separate and distinct identity.” Ibig sabihin nito ay natatangi at hiwalay ito sa mga tao, empleyado, at mga opisyal na bumubuo rito. Kaugnay nito ang mga karapatan, responsibilidad, at mga pananagutan nito ay hiwalay sa mga taong nabanggit. Sa usapin ng paggawa, tulad ng pamamalakad, pagpasuweldo at pagtanggal ng empleyado, bagaman ang mga aksyon ng isang korporasyon ay ginagawa sa pamamagitan at sa katauhan ng mga opisyal at empleyado nito, nananatili na ito ay aksyon ng nasabing korporasyon at ano mang kahihinatnan nito ay ang korporasyon lang mismo ang magkakaroon ng karapatan at pananagutan. 


Sa kasong Rico B. Escuaragia, et. al vs Fitness First, Phil., Inc., and Liberty Cruz (G.R. No. 266552, January 22, 2024, sa panulat ni Honorable Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier), ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na sa kabila ng mga nabanggit sa itaas na legal na prinsipyo, may pagkakataon pa rin na maaaring magkaroon ng pananagutan ang mga empleyado o opisyal ng isang korporasyon:


While directors, officers and human resource managers like respondent Cruz may be solidarily held liable with the corporation in cases of illegal termination of employees, this is the exception rather than the general rule. To be held solidarily liable with the corporation in labor cases, the manager or officer must have acted with malice or bad faith.


Sang-ayon sa nabanggit, ang mga empleyado at opisyal ng isang korporasyon ay maaari pa ring maging solidarily liable sa kaso ng illegal dismissal kung mapatutunayan na sila ay kumilos ng may masamang hangarin o bad faith. 


Kaya’t sa iyong katanungan kung maaari bang isama ang immediate supervisor at HR manager sa pinaplano mong kaso, marapat munang pag-aralan kung ang kanila bang naging mga gawain o pagkilos, na may kinalaman sa pagkatanggal mo sa trabaho, ay may masamang hangarin o bad faith. Nagkaroon ba ng pang-aabuso sa kanilang katungkulan na nagdulot o nagbunsod sa pagkatangal mo? O, ‘di kaya ay gumawa o kumilos ba sila ng may masamang hangarin na nagdulot ng pagkatanggal mo sa trabaho? Bukod dito ay dapat din na may mga ebidensya na magpapatibay sa alegasyon na sila ay kumilos na may masamang hangarin o bad faith upang maitaguyod ang kasong isasampa mo laban sa kanila.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page