Pananagutan ng employer sa sexual harassment
- BULGAR

- Oct 10
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 10, 2025

Dear Chief Acosta,
Nakaranas ako ng pambabastos habang nasa trabaho ako. Noong isang beses na nasa stock room ako para kumuha ng gamit, sinundan ako roon ng boss ko. Tinanong niya ako kung puwede ba niya akong halikan. Sumagot ako ng hindi at pagkatapos ay umalis na ako. Noong bumalik ako roon para kumuha ng gamit ay hinatak na niya ako, niyakap at pinilit halikan. Dahil sa takot ko na ito ay maulit, ang pangyayaring ito ay binanggit ko sa human resources namin at nagpasa rin ako ng reklamo laban sa boss ko. Sinabi nila na iimbestigahan ito ngunit makalipas ang dalawang buwan ay wala pa ring nangyayaring imbestigasyon. Maaari ko rin bang singilin ng danyos ang mismong kumpanya na pinapasukan ko dahil sa hindi nila pag-akto sa isinumite kong reklamo? -- Ruffa
Dear Ruffa,
Ayon sa Section 4 ng Republic Act (R.A.) No. 7877 o ang “Anti-Sexual Harassment Act of 1995,” tungkulin ng employer na bumuo ng tinatawag na Committee on Decorum and Investigation. Ang komite na ito ang mag-iimbestiga ng anumang reklamo kaugnay ng sekswal na pang-aabuso sa trabaho.
Kaugnay nito, nakasaad din sa Section 5 ng parehas na batas na ang isang employer ay maaaring magkaroon ng pananagutan sa mga danyos na bunga ng sekswal na pang-aabuso, kung mayroong isinumiteng reklamo sa kanya at hindi niya ito kaagad inaktuhan. Ayon sa batas:
“SEC. 5. Liability of the Employer, Head of Office, Educational or Training Institution. – The employer or head of office, educational or training institution shall be solidarily liable for damages arising from the acts of sexual harassment committed in the employment, education or training environment if the employer or head of office, educational or training institution is informed of such acts by the offended party and no immediate action is taken thereon.”
Sa kasong Francheska Aleen Balaba Buban vs. Nilo Dela Peña (G.R. No. 268399, January 24, 2024), ipinaliwanag ng Korte Suprema, sa pamamagitan ng Kagalang-galang na Hukom Mario V. Lopez, na maaaring magkaroon ng solidary liability ang mismong employer para sa danyos na natamo ng biktima:
“Furthermore, we find no cogent reason to depart from the uniform factual findings of the Labor Arbiter, the NLRC and the CA that Xerox Business was remiss in its duty under Section 4 of Republic Act No. 7877 to prevent or deter the commission of acts of sexual harassment and to provide the procedures for the resolution, settlement or prosecution of acts of sexual harassment. Specifically, it failed to create a committee on decorum and investigation to promptly act upon the allegation of sexual harassment filed by Buban. Accordingly, pursuant to Section 5 of the law, Xerox Business was adjudged solidarily liable with Dela Peña for payment of damages arising from the acts of sexual harassment committed in the employment.”
Para mas lalo pa nating maintindihan, kailangang ipaliwanag ang konsepto ng solidary liability. Halimbawa, ang isang biktima ng sekswal na pang-aabuso sa trabaho ay may karapatan na humingi ng danyos sa mismong gumawa sa kanya nito. Ngunit kung ang kanyang employer ay hindi umakto kaagad sa kanyang reklamo, maaari ring managot ang employer na ito sa halaga ng danyos na maaaaring singilin ng biktima sa mismong may sala.
Sa iyong sitwasyon, base sa iyong nabanggit ay hindi inaktuhan at hindi kaagad na inimbestigahan ng iyong employer ang sekswal na pang-aabuso na nangyari sa iyo. Dahil dito, maaari ring magkaroon ng pananagutan ang iyong employer sa danyos na maaaring igawad sa iyo ng korte kaugnay ng pang-aabusong iyong pinagdaanan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.







Comments