Pananagutan ng courier sa delayed na delivery
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 29, 2022
Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako sa Maynila para matustusan ang pangangailangan ng aking pamilya na nasa Mindanao. Noong nakaraang buwan ay nagpadala ako sa isang courier ng special power of attorney, isang dokumento na kagyat na kailangan ng aking pamilya. Mayroon kaming kasulatan ng nasabing courier na made-deliver nila ang sulat na ito sa huling araw ng Marso. Ngunit, Abril na ay hindi pa rin dumadating ang sulat. Dahil dito ay napilitan akong personal na umuwi na lang sa Mindanao na siyang nakaapekto sa aking trabaho. Maaari ko po bang panagutin ang courier na ito sa delay na kanilang nagawa sa pagpapadala ng aking sulat?
Suzie
Dear Suzie,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinalakay na ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Aniceto Saludo, Jr., et al. vs. Court of Appeals (G.R. No. 95536, March 23, 1992, Ponente: Honorable Former Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago), kung saan sinabi na:
“When a common carrier undertakes to convey goods, the law implies a contract that they shall be delivered at destination within a reasonable time, in the absence, of any agreement as to the time of delivery. But where a carrier has made an express contract to transport and deliver property within a specified time, it is bound to fulfill its contract and is liable for any delay, no matter from what cause it may have arisen.” (Binigyang-diin)
Samakatuwid, dapat i-deliver ng courier ang isang padala sa panahon na kanilang napagkasunduan, sang-ayon sa kontrata para rito. Kung hindi nila ito maihahatid sa loob ng itinakdang panahon ay maaari silang magkaroon ng pananagutan para rito, kahit na ano pa man ang naging dahilan ng kanilang pagkahuli.
Samakatuwid, sa inyong sitwasyon ay maaari ninyong panagutin ang nasabing courier sapagkat hindi nito nasunod ang inyong kontrata, lalo na ang petsa ng kung kailan nila dapat na-deliver ang inyong sulat.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments