Pananagutan ng common carrier sa ninakaw na kargamento
- BULGAR

- 3 days ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 18, 2025

Dear Chief Acosta,
Kamakailan ay nawala ang ipinadala kong kargamento sa isang pampublikong forwarding company. Ayon sa kanila, ito ay nawala dulot ng pagnanakaw habang ito ay nasa kanilang bodega. May habol pa rin ba ako sa nasabing forwarding company kahit na ito ay nawala dahil sa isang pagnanakaw? -- Fahra
Dear Fahra,
Ang isang forwarding company ay itinuturing ding common carrier. Bilang common carrier, itinatakda ng batas na mag-uumpisa ang pananagutan at responsibilidad ng forwarding company sa oras na maibigay o maipasa na sa kanila ang kargamento o tao na kanilang dapat ihatid. Matatapos lamang ang nasabing responsibilidad kapag matiwasay na nakarating ang tao sa kanyang destinasyon o tinanggap na ang kargamento ng nakatakdang makakuha nito.
Sa panahon na ang kargamento ay nasa kamay ng isang common carrier, isinasaad ng batas na kinakailangan na ito ay ingatan at pangalagaan sa antas na tinatawag na extraordinary diligence. Sa kasong Annie Tan vs. Great Harvest Enterprises, Inc. (G.R. No. 220400, March 19, 2019), sa panulat ni Honorable Associate Justice Mario Victor F. Leonen), ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na:
“Common carriers are obligated to exercise extraordinary diligence over the goods entrusted to their care. This is due to the nature of their business, with the public policy behind it geared toward achieving allocative efficiency and minimizing the inherently inequitable dynamics between the parties to the transaction. x x x
Under Article 1745 (6) above, a common carrier is held responsible — and will not be allowed to divest or to diminish such responsibility — even for acts of strangers like thieves or robbers, except where such thieves or robbers in fact acted "with grave or irresistible threat, violence or force.” We believe and so hold that the limits of the duty of extraordinary diligence in the vigilance over the goods carried are reached where the goods are lost as a result of a robbery which is attended by “grave or irresistible threat, violence [,] or force.”
Sang-ayon sa mga nabanggit, hindi sapat na dahilan na ang kargamento ay nanakaw o kinuha ng hindi awtorisadong tao para mawalan ng pananagutan ang isang common carrier, gaya ng forwarding company. Kailangang mapatunayan na sa kabila ng pag-iingat, may malubha o hindi mapaglabanang banta, karahasan, o puwersa sa nasabing pangyayari upang mawalan ang common carrier ng pananagutan hinggil dito.
Sa iyong kalagayan, mas makabubuti kung susuriing maigi ang mga pangyayari ukol sa pagkawala ng iyong kargamento. Kung ang mga ito ay nawala lang o kinuha ng walang paalam, maaaring may pananagutan pa rin ang forwarding company sa iyo dahil ito ay nagpapakita ng kanilang kapabayaan at hindi pagsunod sa itinatakda ng batas na paggamit ng extraordinary diligence.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.







Comments