Panahon na para wasakin ang ugat ng karahasan sa mga kabataan
- BULGAR

- 29 minutes ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 7, 2026

Tuwing buwan ng Hulyo, ipinagdiriwang natin ang National Schools Safety Month. Sa kasalukuyan, mas napapanahon ang mensahe ng pagdiriwang na ito, bagama’t nakakalungkot at nakakabahala ang paglala ng mga insidente ng karahasan sa ating mga paaralan.
Nitong nakaraang linggo, nagsagawa ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ng isang pagdinig, kung saan tinalakay kung paano naiimpluwensyahan ng social media at smartphone ang ating mga kabataang gumawa ng karahasan.
Isa sa mga paksang natalakay sa naturang pagdinig ang nihilistic violent extremism (NVE) na iniuugnay sa lumalalang karahasan ngayon sa mga paaralan sa buong bansa. Ginagamit ng mga nasa likod ng NVE ang social media at gaming apps upang targetin ang mga kabataan.
Gamit ang social media at online games, kinukuha ng mga kawatan ang tiwala ng mga menor-de-edad, isinasailalim sila sa online grooming, at minamanipula upang gumawa ng mga mararahas na gawain. Isa sa mga insidenteng pinaghihinalaang may kaugnayan sa NVE ay ang napigilang tangka ng pitong mag-aaral sa Laguna na magsagawa ng pag-atake sa kanilang paaralan.
Batay sa mga ulat, lumalabas na naimpluwensyahan ang mga mag-aaral sa mobile game na Roblox. Kung babalikan naman natin ang naging insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Lungsod ng Tacloban, lumalabas sa mga ulat ang malaking impluwensya ng sandbox game na GoreBox sa isa sa mga suspek.
Sa nakaraang pagdinig din ay sinabi ng Department of Justice (DOJ) na sa kasalukuyan, hindi sapat ang legal framework ng bansa upang sugpuin ang NVE. Kaya naman para sa inyong lingkod, kailangan nating bumuo ng isang partikular na batas laban sa NVE, sa online grooming ng mga bata, at sa brainwashing na nagtutulak sa kanila na gumawa ng mga mararahas na gawain. Handang makipagtulungan ang inyong lingkod, gayundin ang Senado, sa DOJ, pati na rin sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sektor ng ating lipunan, upang matugunan natin ang banta ng NVE.
Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon, lalo na’t kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral ang nakasalalay. Kung ipagpapaliban natin ang pagkilos, maaaring marami pa sa ating mga mag-aaral ang malagay sa panganib.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments