top of page
Search
BULGAR

Panahon na ba para magka-divorce ‘Pinas?

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 31, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Nabulabog ang sambayanan at nagkaroon ng pagkakahati-hati makaraang lumabas ang balita hinggil sa diborsyo na inaprubahan na sa Mababang Kapulungan — ito ay matapos lumamang ng bahagya ang pumabor sa mga nais nang magkaroon ng divorce sa bansa.


Sa Senado ay mas matingkad ang hating opinyon ng ating mga kasamahan kung dapat bang maisabatas ang diborsyo sa bansa.


Sa buong mundo, bukod sa Vatican City, ang Pilipinas na lamang ang walang diborsyo

kaya marami na ring atat na atat na magkaroon nito sa bansa lalo na sa kaso ng mga mag-asawang hindi pinalad sa kanilang pagsasama.


Karaniwan ay nakipaghiwalay at nais magsimulang muli upang ayusin ang kanilang buhay ngunit hindi sila makakuha ng minimithing kalayaan dahil hindi sila makapa-file ng annulment na bukod sa masalimuot, mahirap ang proseso at may kamahalan pa.


Isa pa sa nakikitang problema ay ang hindi mapaghiwalay na kaugnayan ng relihiyon sakaling maisabatas ang diborsyo — ilan sa tutol sa diborsyo ay ang Simbahang Katoliko, ang Iglesia Ni Cristo at iba pang relihiyon.


Sa ngayon naman, nasa proseso na pinag-aaralan sa Senado kung dapat nang isabatas ang diborsyo — hindi pa ako personal na makapagpasya dahil para sa akin ay dapat kasing protektahan natin ang pagkasagrado ng kasal.


Marahil, bahagya akong nakakiling sa mga buo ang pamilya na tulad ko na masayang namumuhay kasama ang mga anak sa piling ng mahal kong asawa ngunit nababahala rin ako sa kalagayan ng mga kababayan nating naghiwalay dahil sa hindi na talaga karapat-dapat na magsama.


Alam natin na kailangan nila ng panibagong pagkakataon para hindi naman umano masayang ang kanilang buhay matapos ang masakit na hiwalayan.


Medyo may kabigatan lang talaga ang pagsasabatas ng diborsyo sa bansa dahil kahit noong unang panahon pa ay hindi ito matanggap ng marami nating kababayan kaya nga tumagal ito na hanggang ngayon ay wala pa ring batas hinggil dito.


Ngayon, heto na naman at umusbong ang usapin sa diborsyo — mabuting maghinay-hinay muna tayo at huwag magpabigla-bigla dahil napakakontrobersiyal ng usaping ito na posibleng humantong sa pagsisisi.


Marami rin kasi tayong mga kababayan na pangarap ang humarap sa dambana upang mangako ng habambuhay na pag-ibig sa maayos o hindi mang pamumuhay.


Sabagay, napakataas na rin ng bilang ng mga kababayan nating mas pinipili na lamang magsama ng walang kasal dahil nga sa takot na walang diborsyo — kaya posibleng tumaas din ang bilang ng magpapakasal sakaling maisabatas na ang diborsyo sa bansa.


Sa kabuuan, hating-hati ang opinyon ng mga kababayan — marami ang ayaw, marami ang gusto, pero pinakamabuti sa lahat ay pag-aralang mabuti at kung ano ang pagkakasunduan ay siya nating sundin.


Nauunawaan din kasi natin ang pinanggalingan ng mga nagtutulak nito, lalo na ang mga biktima ng mga mapang-abusong relasyon na sadyang walang patutunguhan.


Kaya hindi tayo sarado sa panukalang ito at masusi natin itong ikinukonsulta at pinag-aaralan.


Tiyak naman na hindi ito dedesisyunan dahil lamang sa kapritso ng ilang nais makipaghiwalay sa asawa at tiyak na iiral pa rin dito ang kapakanan ng marami nating kababayan.


Napakatagal nang usapin ng diborsyo sa ‘Pinas at marahil ay panahon na para hindi na rin tayo maiwan sa ibang mga bansa na mauunlad naman kahit may diborsyo.


Manatili tayong kalmado sa isyung ito at sabayan natin ng panalangin upang gabayan tayo ng Maykapal at hindi mapahamak dahil sa maling desisyon.


Sobrang bigat kasi kung pakikinggan lang natin ang mga kababayang nahiwalay sa asawa dahil palaging sinasaktan -- tapos doon na nahinto ang kanilang buhay na wala na silang pagkakataong mag-asawang muli.


Pero mas mabigat naman sa dibdib na ang pinagsama ng langit ay paghihiwalayin lang ng tao at makikita nating nag-iiyakan ang mga anak na walang kinalaman sa gulo at naging biktima dahil sa diborsyo.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page