Panagutin ang mga sangkot sa overpriced na healthcare supply, period!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 03, 2021
NAG-FEELING TROLL SI ROQUE, INILILIHIS ANG ISYU TUNGKOL SA MGA WANTED NA CHINESE NA NAKAKOPO NG BILYONES SA DUTERTE GOV’T.—Hindi katanggap-tanggap sa mga Pinoy ang ginawa ng Duterte gov’t. na sa kuwestiyunableng kumpanyang “Pharmally” na may link kay Michael Yang na kaibigan naman ni P-Duterte ipinagkatiwala ang bilyun-bilyong pera ng bayan na ipinambili ng overpriced na facemask at face shield, na kalauna’y nabulgar na wanted pala sa Taiwan kasong fraud ang mga Chinese na nagmamay-ari ng kumpanyang ito.
At dahil hindi maipaliwanag kung bakit ito ginawa ng Duterte gov’t. sa pamamagitan ng PS-DBM, ang spokesman ni P-Duterte na si Sec. Harry Roque ay nag-feeling troll na lang, inililihis ang isyung ito na kesyo gumastos ang Aquino administration ng P14 milyon, overpriced ang pagkakabili sa PPEs (Personal Protective Equipments) kahit wala namang pandemya noon.
Ang papel kasi ng mga troll ay mag-fake news at maglihis ng kontrobersiyal na isyung kinasasangkutan ng pamahalaan, period!
◘◘◘
HINDI SINUSUWELDUHAN NG TAUMBAYAN SI ROQUE PARA MAG-FEELING TROLL—Kung gusto ni Roque na magpaka-troll, dapat mag-resign na siya sa puwesto bilang presidential spokesman.
Hindi siya sinusuwelduhan ng taumbayan para lang mag-feeling troll, pwe!
◘◘◘
ANG ISYU NGAYON AY ANG P25-B NA NAKOPO NG KUWESTIYUNABLENG KUMPANYA AT HINDI ANG P14-M NA NAKOPO NG LEGAL NA KUMPANYA—Ang isyu ngayon ay ang naunang P9-B at nasundan pa ng P16-B na nakopo sa Duterte gov’t. ng kuwestiyunableng kumpanyang “Pharmally” sa pagbili ng mga overprice na facemask, face shield at iba pang medical supplies, at hindi ang P14-M na biniling PPEs ng Aquino administration sa legal na kumpanyang Rebbman Inc. na may totoong address sa Timog Ave., Quezon City.
Patay na si ex-Pres. Noynoy Aquino kaya’t hindi na niya maipapaliwanag ang paggastos ng kanyang administrasyon ng P14-M sa biniling mga PPEs, at dahil buhay pa naman si P-Duterte, dapat punto-por-punto ay ipaliwanag niya sa publiko kung bakit ang sumatotal na P25-B na pera ng bayan ay “Pharmally” ang nakakopo gayung higit P600-K lang ang nakatalang capital nito, bukod pa sa peke rin ang address na gamit ng kumpanyang ito, period!





Comments