Pamumulitika ni Panelo sa gitna ng pandemya, sablay!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 24, 2021
PANELO, SAPOL SA BANAT NI ROQUE—Nagpabida si Presidential spokesman Harry Roque sa kanyang statement na may mga nananamantala ngayong panahon ng pandemya para mamulitika.
Huh, hindi kaya tarayan ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo si Roque at sabihang sablay ang statement niya kasi ang tinamaan sa pahayag na ito ng presidential spokesman ay si Panelo dahil kada harap niya sa publiko, ang bukambibig niya ay “Duterte-Duterte”, “Run Sara Run” at “Pres. Duterte for Vice-President”, boom!
◘◘◘
MADALAS MA-BASH SI ROQUE DAHIL SA PANLOLOKO SA PUBLIKO—Sa totoo lang, isa si Roque ngayon sa madalas ma-bash sa social media dahil sa mga statement niyang ‘panloloko sa publiko’.
Tulad ng statement niya noong March 18, 2021, ang sabi niya ay napakaaga pa para pag-usapan ang eleksiyon, na kesyo isantabi muna ang pulitika kasi silang nasa administrasyon ang pinagkakaabalahan ay ang pagresolba sa pandemya.
Ito na siste, isang araw matapos sabihin ni Roque ‘yan ay nag-viral sa social media na kasama siya sa isang grupo ng mga DDS na naka-Duterte fist bump at may hawak ng tarpaulin na may mukha ni Mayor Sara Duterte-Carpio, na may nakatagang “Run Sara Run”, buwisit!
◘◘◘
INANGKIN NA TALAGA NG CHINA ANG WPS—Itinanggi ng China na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas ang kanilang 220 Chinese vessels dahil ang karagatang pinuntahan ng kanilang mga barko ay pag-aari ng China.
Nakupo, sa tema ng statement ng China ay talagang pinanindigan na nila ang pag-angkin sa West Philippine Sea (WPS), buwisit!
◘◘◘
PARAMIHAN NG KUBRADOR AT NAGKAKA-VIRUS SA MAYNILA, CALOOCAN, MALABON AT NAVOTAS—Patuloy na dumarami ang mga kubrador ng raket na bookies at lotteng nina “Boy Abang” at “Lorna” sa Maynila; “Jun Moriones”, “Edmon” at “Iking” sa Caloocan City; “Mario” at “Atan” sa Malabon City; “Judi” at “Leody” sa Navotas.
Kung hindi matitigil ang ganyang uri ng mga raket, baka mas lalo pang dumami ang mga nagkaka-virus sa mga lugar na ‘yan kasi nalalabag ng mga kubrador ang social distancing, nagkakaroon sila ng close contact s mananaya.
‘Yan ang hirap sa mga lugar na ‘yan, paramihan ng mga kubrador at mga nagkaka-virus, tsk-tsk-tsk!





Comments