Pampublikong sasakyan na hindi sakop ang discount sa estudyante
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 3, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay estudyante na madalas sumakay sa mga pampasaherong jeepneys patungo sa aking eskwelahan at alam ko na may diskwento sa aking pamasahe bilang estudyante. Ngunit napag-iisipan ko na rin sumakay sa aming school bus service para maiwasan makipagsiksikan sa mga public utility vehicles (PUVs). Maaari pa rin ba ako makahingi ng diskwento sa pamasahe kung sakaling sa school bus na ako sasakay? Maraming salamat sa inyong pagtugon. - Louise
Dear Louise,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 4 ng Republic Act (R.A.) No. 11314, o ang “Student Fare Discount Act”, na nagsasaad na:
“Section 4. Coverage. -This Act shall cover all public transportation utilities such as, but not limited to, public utility buses (PUBs), public utility jeepneys (PUJs), taxis and other similar vehicles-for-hire, tricycles, passenger trains, aircrafts and marine vessels. The application of this Act does not cover school service, shuttle service, tourist service, and any similar service covered by contract or charter agreement and with valid franchise or permit from the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).” (Emphasis supplied)
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, hindi lahat ng klase ng sasakyan na pampublikong transportasyon ay sakop ng batas na nagbibigay ng diskwento sa pamasahe ng mga estudyante. Malinaw na inilalabas ng batas ang school service, shuttle service, tourist service at iba pang may katulad na serbisyo mula sa saklaw nito. Kaya naman, kung sakaling ituloy mo ang iyong balak na sumakay sa inyong school bus, hindi ka maaaring humingi ng diskwento na ibinibigay ng R.A. No. 11314 dahil hindi sakop ang serbisyo ng school service sa mga inaatasan ng nasabing batas na magbigay diskwento sa pamasahe ng mga estudyante na tulad mo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments