Pampasabog, natagpuan sa Jolo Sulu
- BULGAR

- Sep 20, 2020
- 1 min read
ni Thea Janica Teh | September 20, 2020

Isang explosive material ang natagpuan ng mga awtoridad sa Jolo, Sulu nitong Sabado, Setyembre 19 kung saan din naganap ang dalawang pagsabog dahil sa suicide bomber noong nakaraang buwan.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines- Western Mindanao Command (WestMinCom), nadiskubre ng Philippine Coast Guard ang isang set ng inabandonang materyal na ginagamit sa paggawa ng bomba tulad ng 2 electric blasting caps, rifle grenade, spark plug at ilang concrete nails sa Barangay Walled City sa pagitan ng Harbor Master at Maritime Police Office.
Kaya naman agad na ipinasara ng 35th Infantry Battalion ang bahagi ng barangay kung saan ito natagpuan at pinuntahan ng Explosive Ordinance Disposal Team of Sulu Provincial Police Office at Jolo Municipal Police Station upang kumpirmahin.
Binigyang-papuri ni Brig. Gen. William Gonzales, JTF Sulu Commander ang mga sundalo sa ginawang aksiyon. Aniya, “You saved the lives of the innocent people and foiled this terroristic activity of our heartless enemies.”
Sinisigurado naman ni Lt. Gen, Corleto Vinluan, Jr., WestMinCom Commander na mas pinaigting nito ang seguridad at nakikipagtulungan sila sa pulis at security agency upang maiwasan ang muling pag-atake ng mga terorista.
Una nang kinilalang mastermind sa pagsabog noong nakaraang buwan ang grupo ng Abu Sayyaf na pinangungunahan ni Mundi Sawadjaan. Kaya naman magbibigay ng P6 milyong pabuya ang awtoridad sa kung sinuman ang makapagbibigay ng impormasyon kung nasaan si Sawadjaan at iba pang suspek.








Comments