Palasyo, bantay-sarado
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | March 17, 2026

Photo: Atty. Claire Castro - PCO
Nilinaw ng Malacañang na ang pinaigting na seguridad na napansin sa paligid ng Palace complex ay bahagi lamang ng isang regular na security exercise upang subukan ang kahandaan sa operasyon ng mga tauhan.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, ito ay kasunod ng mga kumakalat na usap-usapan online tungkol sa umano’y paglalagay ng razor wires at pagbabantay ng mga pulis sa mga lugar na papunta sa Malacañang compound.
“It is just part of security exercise to test the operational readiness of personnel and units,” pahayag ni Castro sa mensahe sa mga mamamahayag.
Nag-udyok ng iba’t ibang haka-haka sa social media ang mga larawan, kung saan may ilang personalidad ang nagsabing inilagay umano sa full alert ang Palasyo.
Gayunman, iginiit ni Castro na ang sitwasyon ay bahagi lamang ng isang planadong
security drill at hindi kaugnay ng anumang partikular na banta.
Ang mga security exercise ay regular na isinasagawa sa paligid ng Malacañang at mga kalapit na lugar upang matiyak na nananatiling handa ang mga tauhan at unit ng law enforcement sa iba’t ibang posibleng sitwasyon.
Nauna rito, nag-post online ang beteranong broadcaster na si Jay Sonza at nagtanong kung bakit umano nagkaroon ng “marubdob na alerto” sa paligid ng Palasyo mula pa noong nakaraang gabi.
Sa isa pang post, sinabi naman ng broadcaster na si Ramon Tulfo na nasa “full alert” umano ang Malacañang, ayon sa isang hindi pinangalanang source.
Binanggit din sa mga post na naglagay ng seguridad ang pulisya sa mga lugar na papunta sa Palace compound at isinara sa mga sasakyan ang ilang kalsada tulad ng Mendiola, Arlegui, at Nicanor Padilla.




Comments