Pampanga Delta, lalarga na vs. QC All Stars sa NBL Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 21, 2022

Bubuksan ng defending champion Pampanga Delta ang kampanya kontra sa bisitang Quezon City All-Stars ngayong 6 p.m. sa pagpapatuloy ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando. Matapos ang mahigit 2 taon, babalik din sa korte ang CamSur Express sa tapatan nila ng Laguna Kings sa unang laro ng 4 p.m.
Magpaparada ng maraming bagong manlalaro ang Delta subalit nakakatiyak na lalaban ang mga ito sa lalim ng makukuhang talento sa lalawigan. Ilan sa mga magbabalik na beterano ay sina dating Most Valuable Player CJ Gania, Al Liangco, Mark Jayson Tamayo, Jeff Santos, Jake Munoz, Karl Sampang, Ronan Santos at William de Leon.
Winalis ng Pampanga ang La Union PAOwer, 2-0, para mauwi ang tropeo ng Chairman's Cup noong Disyembre, 2021. Tinapos ng Delta ang Chairman’s Cup na may kabuuang 12-1 kartada.
Pangungunahan ang Express ni kapitan PJ Soliman at mga beteranong sina Alwin Margallo, Jonathan del Rosario, AJ Perea at sentro Jebb Bulawan. Head coach si John Paul Disuanco.
Nagtala ang CamSur ng 5-1 panalo-talo at pasok na agad sa quarterfinals habang maghihintay ng makakalaro. Ang huli nilang aksiyon sa NBL ay noong Pebrero 22, 2020 kung saan tinalo nila ang Taguig Generals, 87-84, sa pagwakas ng elimination round sa University of Baguio.
Mga laro ngayong Biyernes – Bren Z. Guiao Convention Center 4 p.m. Laguna vs. CamSur; 6 p.m. Quezon City vs. Pampanga





Comments