Pamilya, todo-hingi ng dasal at tulong-pinansiyal… ATE GAY, NA-STROKE, KRITIKAL

ni Vinia VIvar @Frankly | October 31, 2026

Photo: FB Gil Aducal Morales
Nasa kritikal na kondisyon pa rin si Ate Gay o Gil Aducal Morales in real life na kasalukuyang naka-confine sa Asian Hospital and Medical Center (AHMC).
Matatandaang isinugod sa ospital ang komedyante noong October 17 matapos makaramdam ng hirap sa paghinga. Kasunod nito ay nanawagan ang kanyang pamilya ng pinansiyal na tulong dahil isang linggo na rin itong naka-confine sa ICU (intensive care unit).
Nitong Biyernes, October 30, ay nagbigay ng update ang pamilya ni Ate Gay sa Facebook (FB) hinggil sa kalagayan nito.
“Una sa lahat, nais po naming ipaabot ang aming taos-pusong pasasalamat sa lahat ng patuloy na nagbibigay ng tulong, suporta, at panalangin para sa aming minamahal na si Gil Morales, na mas kilala bilang Ate Gay.
“Maliit man o malaking halaga, bawat tulong na inyong ibinibigay ay napakalaking bagay para sa aming pamilya, lalo na sa mga panahong ito,” ang simula ng statement ng pamilya.
“Noong October 17, 2026, dinala po namin si Ate Gay sa Emergency Room (ER) ng Asian Hospital and Medical Center (AHMC) dahil sa hirap n’yang paghinga. Ayon sa kanyang mga doktor, s’ya ay nagkaroon ng Septic Shock at Acute Respiratory Failure Secondary to Pneumonia, o malubhang impeksyon na nakaapekto sa kanyang paghinga at sirkulasyong dugo. Dahil dito, kinailangan siyang ilagay sa Intensive Care Unit (ICU) upang mabigyan ng masusing gamutan at monitoring,” patuloy nila.
“Nais din po naming ipaliwanag na dinala namin siya sa AHMC dahil dito na po siya matagal nang nagpapagamot para sa kanyang cancer. Pamilyar na rin ang kanyang mga doktor sa kanyang medical history at mga naunang gamutan. Sa mga oras na iyon, ang aming pangunahing layunin ay mabigyan siya ng agarang atensyong medikal,” paglilinaw ng pamilya.
Bagama’t nalampasan na ni Ate Gay ang septic shock, ayon sa pinakabagong findings ay nagkaroon daw ng pinsala sa kanang bahagi ng utak ang komedyante dahil sa stroke.
“Batay sa pinakahuling paliwanag ng kanyang mga attending physicians, na patuloy na nagmo-monitor sa kanyang vital signs at sa paggana ng kanyang mga organ, nalampasan na po ni Ate Gay ang unang septic shock na kanyang naranasan.
“Gayunpaman, ipinaalam po sa amin ng kanyang mga doktor nitong October 29 na nagkaroon s’ya ng pinsala sa kanang bahagi ng kanyang utak dahil sa stroke,” pagbabahagi ng pamilya.
Ipinaalam din nilang sa ngayon ay nakadepende sa life-support si Ate Gay at nananatiling kritikal ang kondisyon.
“Sa kasalukuyan, umaasa pa rin s’ya sa mga life-support machine upang masuportahan ang mahahalagang function ng kanyang katawan. Nananatili pong kritikal at guarded ang kanyang kondisyon.
“Bagama’t nais po naming ilipat s’ya sa ibang ospital dahil sa patuloy na gastusin, delikado pa po ang kanyang kalagayan para sa paglipat. Kaya sa payo ng kanyang mga doktor, mananatili muna s’ya sa ICU. Sa mga susunod na araw, patuloy s’yang imo-monitor upang makita kung may pagbabago o pagbuti sa kanyang kondisyon,” pahayag nila.
Patuloy na humihingi ang pamilya ng financial help at dasal para sa paggaling ni Ate Gay.
“Humihingi rin po kami ng paumanhin dahil patuloy kaming lumalapit at humihingi ng tulong sa inyong lahat.
“Nauunawaan po namin na ang bawat isa ay may kani-kanyang pinagdaraanan at responsibilidad. ‘Di po namin binabalewala ang anumang tulong na inyong ibinibigay, at lubos po kaming nagpapasalamat sa inyong kabutihan.
“Nais din po naming ipaalam na ginagawa ng aming pamilya ang lahat ng aming makakaya upang makakuha ng medical at financial assistance mula sa mga ahensya ng gobyerno, pribadong indibidwal, charitable institutions, at iba pang organisasyong maaaring makatulong sa kanyang pagpapagamot.
“Maraming salamat po sa inyong pang-unawa, pagmamahal, suporta at patuloy na panalangin. Sa kabila ng lahat, patuloy po kaming umaasa at nagtitiwala sa awa at biyaya ng Diyos,” pagpapatuloy ng pamilya ni Ate Gay.
Matatandaang noong September, 2025 ay na-diagnose ang komedyante ng Stage 4 Mucoepidermoid carcinoma (MEC) na isang rare type of salivary gland cancer.
Over the past year, sumailalim siya sa extensive treatments, including chemotherapy, radiation therapy, immunotherapy, and CyberKnife robotic radiosurgery.





Comments