Pamilya, kahit botong-boto sa BF… RIA, ATRAS PAKASAL KAY ZANJOE
ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 18, 2023
Na-excite ang lahat ng entertainment press sa ipinatawag na media launch kahapon ng White Castle Whisky nang malamang si Ria Atayde ang 2023 Calendar Girl ng kumpanya ng inuming nagse-celebrate ng 60th anniversary ngayong taon.
Inabangan talaga ng lahat ang paglabas ni Ria dahil kilala ang magandang aktres na anak ni Ms. Sylvia Sanchez na medyo chubby at hindi naman super skinny tulad ng ibang Calendar Girl.
Ang inaakala ng lahat, malaki ang naging transformation ni Ria at nagpapayat ito nang bongga.
Kaya naman iisa ang tanong ng mga press people — ano'ng feeling ni Ria na hindi na niya kinailangang mag-lose ng weight pero kinuha pa rin siyang maging White Castle Whisky Calendar Girl.
Sagot ng aktres, maging siya ay hindi rin makapaniwala nu'ng una, pero nu'ng sinabi sa kanya ng mga may-ari at executives ng Destileria Limtuaco na ang advocacy nila ay "body positivity" o pag-appreciate sa kung anumang body shape meron tayo na hindi dapat ikahiya, agad napapayag si Ria na aminado namang laging nabibiktima ng mga body shamers at ilang beses na ring na-bully dahil sa kanyang weight.
Ipinapakita ni Ria Atayde sa pamamagitan ng kalendaryong ito na ang pagiging sexy ay ang kumpiyansa at pagiging komportable sa sarili.
“Beauty comes in countless forms, shapes, and sizes. At this day and age, hindi puwedeng ikahon ang kagandahan,” sabi ni Ria.
“Honored ako at ako ang napili bilang White Castle Whisky Girl as the brand allows and supports me in my advocacy to empower each and every woman to embrace her femininity and celebrate her body.”

Kaya idiniin ni Ria Atayde na kahit Calendar Girl na rin siya ngayon, hindi kailangang baguhin niya ang kanyang figure.
Ang mahalaga raw para sa kanya at sa kanyang pamilya ay 'yung healthy at masaya siya, at sabi nga, "size doesn’t matter".
Suportado naman daw ng kanyang pamilya at "boyfriend" (take note, hindi ito itinanggi ni Ria nang tanungin sa kanya) na si Zanjoe Marudo ang desisyon niyang maging Calendar Girl at mag-pose nang sexy.
In fairness to Ria, ang gaganda ng mga shots niya para sa White Castle Whisky 2023 calendar, classy pa rin ang dating kahit 'hot' ang mga pose niya.
Biniro nga namin siya kung magbi-Vivamax na rin siya ngayon at natawa lang ang aktres na humirit na may 'sense' naman ang ginawa niya sa kalendaryo dahil nga sa advocacy nila at hindi basta nagpa-sexy lang.
At her age na 30 yrs. old, aminado si Ria na late bloomer nga siya para mag-pose as Calendar Girl pero thankful siya na dumating ang ganitong offer para ma-express niya ang kanyang sarili at advocacy.
Natutuwa rin siya sa sunud-sunod na opportunities na dumarating sa kanya ngayon kaya hindi pa raw niya naiisip ang mag-settle down o magpakasal, although kung darating naman daw at 'yun talaga ang nakalaan para sa kanya, go lang siya.
Kunsabagay, parang napakaaga pa naman para isiping magpakasal nina Ria at Zanjoe.
Paunahin na muna nila ang kapatid niyang si Arjo Atayde na engaged na kay Maine Mendoza.
Naniniwala naman daw si Ria sa "sukob" kaya hindi siya makikipag-unahan sa kanyang Kuya Arjo na mukhang ngayong 2023 na nga ikakasal kay Maine.
Ang mahalaga, tanggap at botong-boto naman ang pamilya ni Ria kay Zanjoe kaya i-enjoy na lang muna nila ang kanilang 'bubot' pang relasyon.





Comments