Pamilya, BF at pati assistant, sapol lahat… ALEX, KUMANTANG KUMAIN SA RESTO, NAGKA-COVID-19
- BULGAR

- Oct 25, 2020
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | October 25, 2020

Dahil sa Covid-19, hindi natuloy ang kasal nina Alex Gonzaga at Mikee Morada na parehong nag-positive sa test.
Mugto ang mga mata at namumula ang ilong habang ikinukuwento ng sikat na vlogger na sinira ng covid ang mga plano niya ngayong buwan ng Oktubre kaya sabi niya ay kakausapin niya si Lord.
“Ta-try kong kausapin ngayon si Lord, kasi sobrang nasira ang plan ko ngayong October. Gusto kong ikasal ngayon kasama ‘yung family, konting friends (sabay punas ng tissue sa mga mata), pero dahil sa walang kakuwenta-kuwentang bagay, nagkaroon kami ng covid.
“So, kailangang baguhin lahat ng plans ko. Tapos, may show ako dapat, new show, kasama ako dapat sa new show na noontime, hindi rin ako naka-attend (live show), so malamang for the next 2 weeks, dito lang ako sa bahay.
“Gusto kong ikasal, pero hindi ka naman puwede. Gusto kong ikasal pero ganito ang nangyari. So, parang hindi ko alam kung itutuloy ko pa o hindi,” kuwento nito.
Dagdag pa, “Three days from my quarantine and I started to realize that we really got Covid and all our family plans and life milestone will be delayed.”
Sa ika-limang araw na naka-quarantine silang pamilya niya ito inamin.
“This week, nagkaroon kami ng covid19 outbreak dahil may lumabas dahil nag-crave ng pagkain. Pagbalik dito, ‘yun na (may dalang virus). Masama ‘yung loob ko nu’ng time na ‘yun kasi marami kang plano, marami kang gustong gawin, may bago akong show na pinirmahan, hindi ako makakapasok at the same time. Meron akong gustong gawing milestone (kasal) sa buhay ko na made-delay and birthday ni Seve (anak nina Toni Gonzaga at Paul Soriano) na hindi nangyari kaya sobra kong iniyak.
“Sobra na akong nag-question sa lahat, inisip ko na hindi naman ako ang nagdala ng covid dito pero parang bakit ako ‘yung sobrang affected and I talk to Mikee, ayaw ni Mikee na umiiyak ako nang ganu’n. Of course, we’re still blessed na hindi naman ganu’n kalala ‘yung nangyari sa amin. Our symptoms are manageable, so far in Jesus' name.
“Kaya walang labasan ng kuwarto. Once ka lang magtanggal ng mask, marami kang maaapektuhan. When you know that you have covid, you need to take a lot of rest, drink lot of fluids, vitamin C with Zinc.”
At dahil kani-kanya silang kuwarto ng Mommy Pinty at Daddy Bonoy niya ay iisang tao lang ang nag-aasikaso sa kanila na naka-complete PPE at maging ang mga pintuan ng mga kuwarto nila ay may mga cover na plastic para sa karagdagang proteksiyon.
Habang nagkukuwento ang dalaga ay panay pa rin ang biro kaya nakatitiyak kami na ang mga nakapanood ng vlog niya kahapon ay tiyak na tawang-tawa rin sa pinagsasabi ng kapatid ni Toni Gonzaga-Soriano.
Anyway, kaka-post lang kahapon (Oktubre 24) sa YouTube channel ni Alex na nag-positive sila ng kanyang pamilya sa Covid-19 ay umabot na agad sa 878K views ang My Covid Journey episode ng vlog niya.
Ang kuwento ng dalaga kung paano sila nagka-covid, “Nakuha namin (virus) out of pagkain sa labas. Nagyaya siya, nawala lang siya nang ilang hours, pagbalik niya, siguro ru’n niya nakuha 'yung COVID. Ang una pong nahawa sa amin, which thank God she is very asymptomatic, is my mom. Ang mga naapektuhan po ay kami, ako, sina Mommy’t Daddy and of course, si Mikee (Morada) at si Sophie (personal assistant). Si Sophie, nahawa dahil sa akin.”




Comments