Pambansang hayop vs. mga Bayani sa P1-k bill
- BULGAR
- Dec 14, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 14, 2021
ONLI IN DA ‘PINAS LANG NA TATANGGALIN ANG LARAWAN NG MGA BAYANI SA PERA PARA PALITAN NG PAMBANSANG HAYOP—Ano kaya ang pumasok sa kukute ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Benjamin Diokno at naisipang tanggalin na sa P1, 000 bill ang larawan at pangalan nina dating Chief Justice Jose Abad Santos, social worker Josefa Llanes Escoda at Gen. Vicente Lim at palitan ito ng larawan ng Agila? Hmmm…
◘◘◘
ANO BA ANG GUSTONG MANGYARI NI DIOKNO, IBAON NA SA LIMOT ANG KABAYANIHAN NINA ABAD SANTOS, ESCODA AT LIM?—Para sa kaalaman ng iba, noong World War 2 at sakupin ng Japan ang Pilipinas ay ang punong mahistrado ng bansa si Abad Santos, hinuli siya ng Japanese soldiers at pinilit maglingkod sa Japanese gov’t., pero tinanggihan niya ito kaya pinatay siya ng mga Hapon, samantalang si Escoda naman ay social worker, siya ang nagtatag ng Girls Scout of the Philippines (GSP) at nang malamang tumutulong siya sa mga gerilyang Pinoy laban sa mga Hapon ay pinatay din siya ng Japanese soldiers at si Lim ay heneral na nanguna sa paglaban sa mga Hapon, at nang mahuli ay pinatay din ng mga Japanese soldier.
Ano ba ang gustong mangyari ni Diokno, na ibaon na lang sa limot ang kabayanihan nina Abad Santos, Escoda at Lim kaya’t ipinatatanggal na niya ito sa P1,000 bill? Tsk!
◘◘◘
AGILA SA P1, 000 BILL PAPABOR KAY MAYOR SARA NA TINAGURIANG “EAGLE OF THE SOUTH”?—Sa social media, kung may mga nainis sa ginawa ni Diokno na pagpapatanggal sa larawan nina Abad Santos, Escoda at Lim ay may mga natuwa rin dahil ang ipapalit ay ang larawan ng Agila.
Ang mga natuwa na larawan na ng Agila ang ilalagay sa P1,000 bill ay ang mga DDS kasi para sa mga Duterte supporters, tugma sa panahon ngayon na Agila ang ipalit kina Abad Santos, Escoda at Lim kasi “lumipad” na raw para lumaban sa halalang 2022 ang tinagurian nilang “Eagle of the South” na si Mayor Sara Duterte-Carpio.
Kung may ganyang pananaw ang mga DDS aba’y papabor pala kay Mayor Sara ang paglalagay ng Agila sa P1,000 bill, lalo na’t ayon kay Diokno, ang paglalabas nila ng P1,000 bill sa publiko na may Agila ay sa Abril 2022 nila isasagawa o isang buwan bago ang halalan sa Mayo 2022, boom!
◘◘◘
HINDI LANG SA PILIPINAS MAY AGILA KASI SA IBANG BANSA AY MAY MGA AGILA RIN—Sa totoo lang, sablay ang naisip ni BSP Diokno na Agila ang ipalit kina Abad Santos, Escoda at Lim sa P1, 000 bill.
Hindi lang naman kasi sa Pilipinas lang merong Agila, dahil meron din nito sa iba’t ibang bansa, pero sa ibang bansa ay walang bayaning Abad Santos, Escoda at Lim, at bilang respeto sa tatlo, kung may respeto sa kanila si Diokno, dapat huwag nang ituloy ng BSP ang plano nilang tanggalin sa P1,000 bill ang larawan ng tatlong World War 2 heroes, at palitan ng “Eagle of the South”, este, ng Agila period!




Comments