top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Palpak na pramis sa taumbayan, tigilan na

BULGAR
Jul 18, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | July 18, 2021



Kulang na suplay ng bakuna kontra COVID-19 ang sinisisi ng pamahalaan na dahilan ng pagbagal ng vaccination program sa bansa.


Dahil dito, inamin ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na mauudlot ang ipinangako nilang ‘mask-free’ holidays ngayong taon.


Matatandaang noong Hunyo, inihayag ni Presidential spokesperson Secretary Harry Roque na kayang magkaroon ng ‘no mask Christmas’ ‘pag naabot ng bansa ang ‘herd immunity’ kung aabot sa 250,000 indibidwal ang mababakunahan kada araw.


Gayunman, paliwanag ng kalihim, maaaring umabot ng 2022 ang vaccination program kung hindi darating ang sapat na suplay ng mga bakuna na pinag-aagawan ng maraming bansa.


Dagdag pa rito, kailangan umanong maipamahagi ang nasa 25 milyong doses ng bakuna kada buwan para maabot ang herd immunity sa darating na 130 hanggang 140-araw.


Samantala, aabot pa lamang sa 23 milyong doses ng bakuna ang natatanggap ng Pilipinas mula nang umpisahan ang vaccination program noong Marso 1.


Isang pangako na naman ng pamahalaan ang hindi naibigay sa taumbayan.


Nakalulungkot man, pero kung hindi talaga kakayanin, ‘wag muna nating pilitin.

Gayunman, nangangahulugan ito na mahaba-haba pa talaga ang ating laban sa pandemyang ito.


Hindi man natin maabot ang ‘no mask Christmas’ ngayong taon, magpokus tayo sa iba pang hakbang upang mas mapabilis ang pagbabakuna sa taumbayan, lalo pa ngayon na mas marami nang kumbinsido na magpabakuna. ‘Wag lang sanang umabot sa punto na mawalan ng gana ang mga tao at dedmahin na lang ang vaccination program. Kaya panawagan sa kinauukulan, galaw-galaw ho tayo para hindi mainip ang taumbayan.


Sa ngayon, hindi puro pramis ang kailangan ng taumbayan kundi pagkilos at makatotohanang mga hakbang kontra COVID-19.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page