top of page
Imee Marcos - FB.jpg

Paliwanag sa “wage distortion”

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 28, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Kapag po ba nagkaroon ng bagong minimum wage o wage order, at halos napantay na ang sahod ng matagal nang empleyado sa sahod ng bagong empleyado, o halos kapantay na ang sahod ng empleyadong may mas mataas ang posisyon sa sahod ng nasa mababang posisyon, ito po ba ang tinatawag na wage distortion? — Claire





Dear Claire,  


Para sa iyong kaalaman, ang wage distortion ay may tiyak na kahulugan sa ilalim ng Artikulo 124 ng Labor Code of the Philippines, na naamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 6727, o mas kilala bilang Wage Rationalization Act. Nakasaad sa nasabing batas:


As used herein, a wage distortion shall mean a situation where an increase in prescribed wage rates results in the elimination or severe contraction of intentional quantitative differences in wage or salary rates between and among employee groups in an establishment as to effectively obliterate the distinctions embodied in such wage structure based on skills, length of service, or other logical bases of differentiation.” 


Sa mas payak na paliwanag, nagkakaroon ng wage distortion kapag ang pagtaas ng minimum wage o itinakdang wage rate sa bisa ng batas o wage order ay natatanggal o lubhang nagpapaliit sa dating makatwirang agwat ng sahod ng iba’t ibang grupo ng empleyado sa isang establisimyento. Halimbawa, kung dahil sa bagong wage order ay halos napantay na ang sahod ng bagong pasok o ng may mababang posisyon sa sahod ng mas matagal na empleyado o may mas mataas na posisyon, maaaring magkaroon ng wage distortion kung mawawalang bisa ang dating pagkakaiba batay sa kasanayan, tagal ng serbisyo, ranggo, o iba pang makatwirang batayan.


Gayunman, hindi lahat ng hindi pagkakapantay-pantay o pagbabago sa sahod ay agad na maituturing na wage distortion sa ilalim ng batas. Sa kasong Prubankers Association vs. Prudential Bank and Trust Company (G.R. No. 131247, ika-25 ng Enero 1999, isinulat ni Kgg. na Punong Mahistrado Artemio Panganiban) ipinaliwanag ng Korte Suprema ang apat na elemento ng wage distortion:


Wage distortion involves four elements:

  1. An existing hierarchy of positions with corresponding salary rates

  2. A significant change in the salary rate of a lower pay class without a concomitant increase in the salary rate of a higher one

  3. The elimination of the distinction between the two levels

  4. The existence of the distortion in the same region of the country


Mahalaga ang ikaapat na elemento ng wage distortion. Ang pagkakaiba ng sahod ng mga empleyado sa magkaibang rehiyon ay hindi awtomatikong wage distortion, sapagkat maaaring magkaiba ang umiiral na wage order sa bawat rehiyon.


Samakatuwid, ang wage distortion ay hindi simpleng reklamo na “hindi pantay ang sahod.” Ito ay isang partikular na sitwasyon kung saan ang pagtaas ng sahod dahil sa batas o wage order ay nagbubura o lubhang nagpapaliit sa makatuwirang agwat ng sahod sa loob ng wage structure ng isang establisimyento. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page