Palamura at bastos.. Gadon, out sa pagka-abogado, in pa rin kay P-BBM
- BULGAR

- Jun 29, 2023
- 2 min read
ni Madel Moratillo / Mylene Alfonso | June 29, 2023

Sa botong 15-0, idinisbar ng Korte Suprema si Atty. Larry Gadon, isang araw matapos maitalaga bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation.
Sa desisyon ng Korte Suprema, nakasaad na ito ay dahil umano sa "misogynistic, sexist, abusive at repeated intemperate language" ni Gadon.
Matatandaang sa isang viral video clip ay paulit-ulit na minumura at binabanatan ni Gadon ang mamamahayag na si Raisa Robles.
Ayon sa Korte Suprema, iskandaloso at tila binalewala ni Gadon ang legal profession.
Nilabag din umano nito ang Canon II on Propriety ng Code of Professional Responsibility and Accountability kung saan ang abogado ay dapat na manatiling tapat, may paggalang at kortesiya, at pagtibayin nang may dignidad ang legal profession nang may highest standards of ethical behavior.
Nauna nang na-convict at nasuspinde si Gadon ng Korte Suprema dahil sa kaparehong paglabag.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na gagawin ni Gadon nang mahusay ang kanyang trabaho.
Tuloy lang aniya ang magiging papel ni Gadon bilang adviser dahil kailangan nang magawa ang mga programa ng Pangulo laban sa kahirapan.
"The President believes he will do a good job," wika niya.
Kaugnay nito, sinabi ni Gadon na plano niyang maghain ng motion for reconsideration dahil masyadong mabigat ang parusa.
"The position and the task given to me by the President do not require lawyering hence my suspension and disbarment have no effect on my appointment . I will just approach this issue on a personal concern , file a motion for reconsideration and proceed in facing the challenges of the job and aim to serve the public in my best capability," pahayag pa ni Gadon.
Samantala, pinarerekonsidera ni Senadora Risa Hontiveros kay Pangulong Marcos ang pagtatalaga kay Gadon.
Inilarawan ni Hontiveros na isang ‘disgraced former attorney’ si Gadon at hindi umano nakapagdadagdag ng tiwala sa Gabinete. Wala rin aniyang anumang expertise ang opisyal na magpapatibay sa kanyang appointment.








Comments