Palakasin ang private sector participation
ni Ka Ambo - @Bistado | April 27, 2021
Panahon na upang palakasin ang private sector participation.
Ito ang tinatawag na people’s participation!
◘◘◘
HINDI ito luma, bagkus ay bahagi ito ng development process.
Ito ay dapat maging gulugod ng demokratikong gobyerno!
◘◘◘
HINDI dapat ikinakahon ang proseso sa pag-unlad sa luma at lipas nang estilo sa development process.
Mahalagang magkaroon ng inobasyon ang bawat henerasyon!
◘◘◘
WALA na ang dating normal, hindi na ito kailanman magbabalik.
Ang lahat ng bagay ay lumilipas at kailangan maging matapang tayo na harapin ang paghamon ng hinaharap!
◘◘◘
MAHALAGANG maisulsi at maitanim sa loob ng demokratikong proseso ang partisipasyon ng pribadong sektor.
Ang sibilyan ay dapat kasangga ng gobyerno taliwas sa makalumang sistema na dinidiktahan ito at inaalipin ng mga opisyal ng pamahalaan!
◘◘◘
HINDI luma ang konsepto ng pakikilahok ng pribadong sector sa proseso ng progreso, bagkus ito mismo ang esensiya at kaluluwa ng ideolohiyang demokrasya.
Ito mismo ang kahulugan nang: “Ang ating Republika ay gobyerno ng mga tao, gobyerno para sa tao at gobyerno mula sa tao”!
◘◘◘
SA maniwala kayo o sa hindi, taliwas ang paniniwala ng marami—higit na makapangyarihan ang pribadong sektor kaysa sa gobyerno.
Opo, ‘yan ang aktuwal na katotohanan sa balat ng lupa!
◘◘◘
DEMOKRATIKO, sosyalismo o komunismo man ang ideolohiya ng anumang gobyerno—ang nagdidikta pa rin ditto ay ang pribadong sektor.
Ang pribadong sektor ay pinamumunuan ng mga bilyonaryo at multi-bilyunaryo o trilyunaryo na siyang nagdidikta sa pinakamalalaking bansa!
◘◘◘
PALAGAY ba ninyo ay ex-President Donald Trump o kahit pa ang incumbent na si Joe Biden ang pinakamakapangyarihan tao sa United States?
Hindi.
May mas makapangyarihan kay Trump at kay Biden—at ito ay ang mga trilyunaryong negosyante!
◘◘◘
SA palagay ba ninyo ay pinakamakapangyarihan tao sa Russia si Vladimir Putin o si Xi jin Ping ang pinakamakapangyarihan sa China?
Hindi!
◘◘◘
ANG pinakamakapangyarihan sa ibabaw ng mundo ay ang grupo ng mga multi-trilyunaryong may kontrol sa ekonomiya sa balat ng lupa.
Naglaho na ang poder ni Trump, maging si Biden ay maaaring biglang maglaho, pero ang pinakamakakapangyarihan sa America ay mananatiling nagdidikta sa kanilang gobyerno!
◘◘◘
MAGKUKUSANG umalis sa poder si Putin dahil alam niyang mawawalan siya ng saysay sa panahon ng kanyang pagtanda.
Maging si Xie Jin Ping ay pansamantala lang ang paghawak sa poder—darating ang panahon na maglalaho rin siya tulad ni Mao Tse Tung at Deng Xiao Ping, pero ang pinakamayayaman sa China ay mananatiling may control ng politburo!
◘◘◘
NASANAY tayo na ang mga botante ang pinakamakapangyarihan sa demokratikong gobyerno—teorya lamang yan.
Sa aktuwal, ang boto ay naiimpluwensiyahan ng “salapi” ng mayayaman at ang resulta ng eleksiyon ay epekto ng “kinang ng salapi” kaysa sa likas na tinig ng ordinaryong mamamayan!
◘◘◘
KUNG sino ang may pinakamalaking campaign fund na pantustos sa pag-impluwensiya sa mga botante ay siyang nahahalal—kahit sila ay hindi kuwalipikado.
Hindi kakambal ng panalo sa eleksiyon ang pinakamahusay, bagkus ay pinakamalaking bulto ng salapi!





Comments