Pakikilahok ng pribadong sektor, magpapaunlad, magpapatatag sa sistema ng edukasyon
- BULGAR
- 4 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 21, 2025

Nitong mga nakaraang araw, ilang beses nating binigyang-diin na isinusulong natin ang pakikilahok ng pribadong sektor sa pagtugon sa kakulangan ng mga classroom, bagay na magagawa natin sa pamamagitan ng mga public-private partnerships. Ngunit maliban sa pagpapatayo ng mga classroom, marami pang maaaring maitulong ang pribadong sektor sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Kaya naman muling inihain ng inyong lingkod ang Adopt-a-School Act of 2025 nitong pagbubukas ng 20th Congress.
Layon ng ating panukalang batas na amyendahan ang Republic Act No. 8525 o Adopt-a-School Act of 1998 upang paigtingin ang pakikilahok ng pribadong sektor sa pagpapaunlad, modernisasyon, at pagpapatatag sa pampublikong sistema ng edukasyon sa bansa.
Isa sa mga nais nating tugunan sa pamamagitan ng panukalang batas na ito ay ang mababang porsyento ng mga senior high school graduates na nakakapasok sa trabaho.
Matatandaang lumabas sa 2024 Jobs Outlook Study ng Philippine Business for Education (PBEd) na bagama’t maraming employers ang handang tumanggap ng SHS graduates, mas pinipili pa rin nila ang mga nakapagtapos ng kolehiyo.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na para sa taong 2024, 27% lamang ng mga trabahong entry-level and inaasahang mapunan ng mga senior high school graduates.
Sa ilalim ng ating panukalang batas, mabibigyan ng mga insentibo ang mga kumpanyang makikilahok sa ‘Adopt-A-School’ Program. Ang mga kumpanya na nagbibigay ng trabaho sa mga senior high school graduates ay maaaring mabigyan ng tax deduction na katumbas ng 20% ng sahod at benepisyong ibinabayad sa kanila.
Mayroon ding 50% na karagdagang tax deduction para sa mga gastos nila sa scholarship programs ng mga estudyante at labor training ng mga guro.
May mga iba pang paraan para makilahok sa Adopt-a-School program. Sa ilalim ng panukalang batas, papayagan din ang parehong Pilipino o dayuhan -- indibidwal man o organisasyon -- na tumulong sa pagpapabuti ng mga pampublikong paaralan mula early childhood hanggang kolehiyo, kabilang na ang Alternative Learning System (ALS), at technical and vocational education and training (TVET). Kabilang din dito ang pagpapatayo o pagkukumpuni ng mga pasilidad, learning materials, at modernisasyon ng mga educational technologies.
Bilang hakbang sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga educational institutions at mga industriya para sa pagsasanay at pagtatrabaho ng mga SHS graduate, iminumungkahi rin natin ang paglikha ng Adopt-a-School One-Stop Shop na magsisilbing central hub para sa mga katanungan at pagpoproseso ng aplikasyon ng mga mag-aaral gamit ang isang integrated online portal.
Hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan ang edukasyon. Lahat tayo ay may mahalagang papel na ginagampanan at katuwang natin dito ang pribadong sektor at mga komunidad. Patuloy tayong makiisa at tumutok sa pagsulong ng mga reporma upang iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments