top of page
Search
  • BULGAR

Paigtingin ang contact tracing para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 13, 2021



Mahigit isang taon na mula noong tumama ang pandemya sa atin, ngunit patuloy pa rin ang mga isyung ating kinahaharap sa contact tracing. Pero sa muling pagbubukas ng mga paaralan, paano natin matitiyak ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral kung hindi sapat ang ating sistema para matukoy kung sino ang mga nanganganib na magkasakit?


Dahil dito ay nais nating magbabala na hindi magiging ligtas ang pagbubukas ng mga paaralan para sa limited face-to-face classes kung magpapatuloy ang mga isyu sa contact tracing sa bansa.

Sa ilalim ng rekomendasyon ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), dapat may aktibong sistema para sa surveillance o contact tracing sa mga local government units o LGUs. Dapat ding limitahan ang mga face-to-face classes sa mga lugar na mas mababa sa limang porsiyento ang positivity rates at wala pang 10 kaso ng COVID-19 kada 100,000 katao sa nakaraang pitong araw.


Bagama’t inanunsiyo ng Malacañang na handa na ang rollout ng StaySafe.ph, ibinahagi naman ni contact tracing czar Benjamin Magalong na ang opisyal na contact tracing application ng pamahalaan ay tinanggihan ng Department of Health (DOH) at pinag-aaralan pa ng Department of Interior and Local Government (DILG). Ayon pa kay Magalong, ang contact tracing ang maituturing na “weakest link” sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic.


Sa Adopted Resolution No. 92 na ating isinulong at inaprubahan ng Senado noong Marso, inirekomenda ng ating mga kapwa senador na magkaroon ng awtoridad ang mga Provincial, Municipal at City School Board na magsagawa ng limited face-to-face classes at magpatupad ng mga selective at localized lockdowns.


Iniulat naman ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na may halos 2,000 sa 47,000 paaralan ang inaasahang makikilahok sa unti-unting pagpapatupad ng limited face-to-face classes. Inaasahan na rin ang pakikilahok ng mga paaralan sa Davao region dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa naturang rehiyon, lalo na sa lungsod ng Davao.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, muling hinihimok ng inyong lingkod ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gumamit ng unified contact tracing system upang matukoy kung sino ang mga may kailangan ng atensiyong medikal at makausad na tayo sa ating mga plano at paghahanda para sa pagbabalik ng face-to-face classes.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page