Pahirapang pagtanggap ng bakuna sa ilang LGUs, solusyunan!
ni Ryan Sison - @Boses | October 15, 2021
Bagama’t tuluy-tuloy ang pagdating ng COVID-19 vaccines sa bansa, aminado ang Department of Health (DOH) na hamon ang pagtanggap ng mga ito sa ilang lokal na pamahalaan, partikular sa mga probinsiya.
Ayon sa isang opisyal ng DOH, may ilang lokal na pamahalaan na hindi handang tumanggap ng maraming bakuna o ‘yung mga bakunang espesyal ang temperature requirement para sa storage.
Paliwanag ng opisyal, tila naninibago ang ilang LGU sa pag-handle ng mga bakuna, hindi tulad sa National Capital Region (NCR) na nagkaroon ng simulation. Aniya, sa mga probinsiya ay medyo matagal bago nagkaroon ng kumpiyansa sa pag-handle ng bakuna ang ilang LGU at bagama’t karamihan sa kanila ay may cold chain equipment o refrigerator, may ilan na walang ultra low freezer.
Kaya upang masolusyunan ito, dinadala na lang ng gobyerno ang mga bakuna sa mga probinsiya na may kapasidad na tumanggap nito at sila na ang nagdadala sa mga ospital o pasilidad sa mga bayan o munisipalidad upang maiturok agad sa mga residente bago mag-expire ang bakuna.
Kaya suhestiyon ng opisyal, kailangang dagdagan ang ibang cold chain ngayong mas marami nang bakuna.
Sa ngayon, 50% ng mga dumarating na bakuna sa bansa ay dinadala sa mga “focused areas” o lugar na maraming populasyon o may mataas ang kaso ng COVID-19, habang 30% naman ng supply ang dinadala sa mga lugar na mabagal pa rin ang pagbabakuna at 20% sa mga lugar na mabilis ang vaccination rate at kailangan agad dalhan ng bagong doses.
Ito ‘yung sinasabi nating dapat matutukan ang pag-usad ng vaccination program sa iba pang lugar bukod sa NCR.
Tulad ng kasalukuyang problema na may suplay nga ng bakuna, pero kung walang kakayahan ang lokal na pamahalaan na tumanggap at mag-handle nito, ano na lang ang mangyayari?
Malamang, mauudlot ang vaccination program at mae-expire lang ang bakuna. Ang ending, walang proteksiyon laban sa sakit ang ilang mamamayan at sayang ang suplay.
Nauunawaan nating responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan na maibigay nang ligtas sa mga residente ang naturang mga bakuna, pero pakiusap sa gobyerno, kaunting tulong pa upang maitawid nang matiwasay ang vaccination program sa iba pang lugar.
Malaking bilang ng residente na ang nabakunahan sa NCR, kaya sana ay ganundin sa iba pang bahagi ng bansa. ‘Ika nga, “We Heal as One” kaya plis lang, iparamdam natin ito sa iba pa nating mga kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments