top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pagtutulungan ang kailangan, hindi sisihan!

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 9, 2021
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 09, 2021



Bagama’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19, lalo na sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Rizal at Cavite o ang tinatawag nating NCR Plus, hindi tumitigil ang pamahalaan para masolusyunan ito.


Nitong Martes lang, Abril 6, binuksan natin ang Quezon Institute Off-Site Modular Hospital sa Quezon City na may 110-bed capacity para sa mga moderate to severe COVID-19 patients. Isa ito sa mga panawagan natin noong nakaraang mga araw para masigurong may matatakbuhan ang ating mga kababayang may COVID-19.


Dagdagan pa natin ang mga ganitong pasilidad. Huwag natin hayaang may naghihingalo o mamamatay dahil walang malapitan na mag-aalaga at gagamot sa kanila. Habang patuloy ang ating pagbabakuna, pinaiigting din natin ang mga patakaran upang maiwasan ang hawahan, siguraduhin nating sapat ang kakayahan ng healthcare system na rumesponde sa mga nagkakasakit.


Kaya nanawagan din tayo sa PhilHealth na bilisan ang pagproseso ng mga pambayad nila sa kanilang obligasyon sa mga ospital at healthcare providers, kasama na ang Red Cross na malaki ang tulong sa ating COVID-19 testing. Importanteng masigurong maayos ang cash flow ng mga ito para hindi maantala ang operasyon at mapalawig pa lalo ang kanilang kapasidad na makapagbigay ng tulong-pangkalusugan. Ang pondong ito ay magagamit din ng mga ospital para makapagdagdag pa ng mga kama at kagamitan para sa COVID-19 patients.


Ngunit, nakalulungkot isipin na, kahit sa gitna ng krisis ay may iilan pa ring Pilipino na ang nais lang ay manisi, mamuna at manira sa kanilang kapwa. Ang ikli-ikli lang ng buhay natin sa mundong ito, huwag natin sayangin ang oras sa sisihan at siraan. Kung magtutulungan tayo, tiyak mas mapabibilis ang ating pagbangon mula sa pandemya.


Kaya walang tigil ang aming pag-iikot para makapagserbisyo sa ating mga kababayan lalo na sa panahong nangangailangan sila.


Nitong Martes, Abril 6, tinulungan natin ang 22 pamilya na biktima ng sunog sa Surigao City at karagdagang tatlong biktima sa Tarragona, Davao Oriental. Maliban pa rito, pumunta rin ang staff sa Tanauan, Leyte upang maayudahan ang 600 market vendors na lubhang naapektuhan ng pandemya.


Nitong Miyerkules, Abril 7, binisita natin ang pamilyang nasunugan sa Maragusan sa Davao de Oro. Kasabay nito ang pamimigay ng tulong sa 295 kataong nabiktima ng Typhoon Auring. Mayroon ding mga nasunugan sa iba’t ibang bayan sa Northern Samar na hinatiran ng tulong ng aking opisina.


Kahapon naman, namahagi ng tulong ang ating opisina sa 514 katao na kabilang sa vulnerable sector sa bayan ng Limay, Bataan. Pumunta rin tayo staff sa Salug, Zamboanga del Norte para maghatid ng tulong sa 150 market vendors.


Sa ating pag-iikot, sinisigurado nating nasusunod ang kaukulang health protocols at pinaaalahanan ang ating mga kababayan na parating maghugas ng mga kamay, magsuot ng facemask at shield, at mag-social distancing para maiwasan ang hawahan ng COVID-19. Nakakasama rin natin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na patuloy na namamahagi ng tulong ayon sa mga programa nila para sa mga komunidad na apektado ng krisis o sakuna.


Sisiguraduhin ng gobyerno na walang Pilipino, lalo na ang mahihirap, ang maiiwan sa pagbangon mula sa pandemya. Kapit lang, mga kababayan! Magtulungan tayo! Kayang-kaya natin ‘to!


Malaki ang ating pasasalamat sa mga doktor, nurse at iba pang mga health worker mula sa Kabisayaan na nagboluntaryong ma-deploy sa mga ospital sa NCR Plus. Patunay ito na buhay na buhay ang diwa ng bayanihan sa gitna ng krisis na ating kinakaharap.


Gawin natin ang lahat para matulungan ang ating kapwa. Bawal ang papatay-patay ngayon. Kung papatay-patay tayo, mas lalong darami ang mamamatay.


Pero kailangan namin ang kooperasyon ng lahat sa laban na ito kontra COVID-19. Hindi lang ito laban ng gobyerno kundi laban ng buong sambayanan — ng buong mundo.


Hindi ito panahon para magsisihan. Panahon ito upang magtulungan!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page